Ang Limay ay itinatag bilang isang nagsasariling bayan noong Enero 1, 1917. Dati-rati ay sakop ito ng bayan ng Orion bilang isang malayong baryo. Simula noong 1965 ay naging isang first-class municipality ang Limay. Ito ang kauna-unahang bayan na nagkaroon ng gayong kataas na antas matapos itayo dito ang Standard Vacuum Oil Company of New York (STANVAC, ngayo’y Petron) at Esso Standard Fertilizer and Agricultural Chemicals (ESFAC) noong magtatapos ang dekada 1960. Nasundan pa ito ng pagkakatatag ng Columbian Carbon, DND Government Arsenal at Philippine Explosives sa mga lupaing nasasakop ng Baryo Lamao.
Itinayo naman sa Baryo Luz ang planta at housing project ng Bataan Thermal Power Plant (BTPP) noong nagsisimula ang 1970. Isinara na ang nasabing planta at napalitan ng ASEA Brown Boveri Combine-Cycle Power Plant noong 1990. Nadagdagan pa ang bilang ng mga industriya sa Limay tulad ng Alstom, Limay Bulk Handling Terminal, Limay Grinding Mills Corporation, Orica Explosives, Planters Agrichem Corporation at San Miguel Corporation. Dahil sa mga kompanyang ito, ang Limay ay kumikita nang mahigit sa P100 milyon taun-taon mula sa buwis na ibinabayad ng mga ito sa pamahalaan.
12 barangay
Ang sukat ng Limay ay 10,362 ektarya na nahahati sa 12 barangay tulad ng: Alangan, Duale, Kitang I, Luz, Lamao, Landing, Poblacion, Reformista, St. Francis I, St. Francis II, Townsite, at Wawa. Sa Barangay Townsite matatagpuan ang munisipyo at ang Limay Elementary School. Sa mga Barangay Duale at Lamao ay naroon naman ang Limay Municipal High School at Lamao Municipal High School.
Sa Barangay Reformista naman ay naroon ang nag-iisang kolehiyo sa Limay na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan. Ito ay ang Limay Polytechnic College na binuksan noong 1997. Ito lamang ang institusyon na naghahandog ng libreng pag-aaral sa kolehiyo nang walang bayad sa matrikula ang mga mag-aaral. Nasa Reformista din ang Limay Public Market, Judy’s Park at ang Limay Sports Center.
Ang populasyon ng Limay ay umabot sa 57,207 noong 2010, mas mataas sa 54,782 na naitala noong Agosto 2007. Karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa mga planta na itinatag sa Limay. Ngunit marami pa rin ang sangkot sa pagtatanim sa bukid, at pangingisda sa malawak na Manila Bay.
Pasilidad
Bukod sa mga nabanggit na paaralan, mula sa elementarya hanggang kolehiyo, pamilihang-bayan at sports center, ang Limay ay mayroon ding mga recreational facilities, inland resort, hotels at apartment, health centers at restaurants. Nagkalat din ang mga internet cafe, photo lab, telephone at water service, cellphone center, recreational/convention hall at isang golf course sa loob ng Petron housing complex.
Ang kuryente ay isinusuplay ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO), National Power Corporation at ASEA Brown Boveri. Ang tubig na maiinom ay isinusuplay naman ng Limay Water District I at II, at Lamao Water District.
Mayroon ding mga sangay ng Bureau of Telecommunications, RCPI, PLDT at cellular phone cellsite ng Smart at Mobiline sa Limay. Bukod sa Philippine Postal Corporation ay may limang banko sa bayan tulad ng Rural Bank of Limay, Philtrust Bank, United Coconut Planters Bank, Bataan Savings and Loan Bank at ang Bank of Philippine Islands.
Ilan sa mga kilalang residente ng Limay ay kinabibilangan nina Editha S. Bueno ng National Electrification Administration, Engineer Alfredo Juinio (dating Ministro ng Bureau of Public Works) at Marianito Roque (dating Kalihim ng Department of Labor and Employment).
Lumang kasaysayan
Ang Limay, kagaya ng Baryo Lucanin (ngayo’y sakop ng Mariveles) ay dati-rating nasasakupan ng bayan ng Orion magmula noong ito ay matatag bilang regular na bayan noong Abril 30, 1667. Nagpatuloy ang gayong kalakaran sa loob ng mahigit sa 230 taon. Noong 1830, habang pinamamahalaan pa ng Secular Clergy ang Orion, ay hinangad ng mga paring kinabibilangan nina Don Bartolome Urquisa, Don Silverio Tiambeng. Don Primitivo Salaverria at Don Miguel Fuster na magdaos ng regular na misa sa Limay. Nagtayo sila ng isang maliit na kapilya sa Limay at ipinailalim ito sa pamamatnubay ng imahe ni San Vicente Ferrer. Si Don (titulo ng isang paring Sekular) Fuster ay gumawa pa ng isang daan sa burol ng Daan Pare (Orion) upang madaling marating ang Limay magmula sa Orion.
Subalit ang lahat ng mga pagsisikap ng mga paring Sekular ay nabale-wala matapos magbalik sa Bataan ang mga paring Dominikano noong 1830. Matapos mabalitaan ang ginawa ng mga Sekular sa Limay ay itinuloy nila ang pagturing sa Limay bilang isang malayong baryo ng Orion. Hindi rin nila itinuloy ang napasimulang pagdaraos ng regular na misa sa Limay. Ikinatwiran nila na kahit ang ginawang daan ni Don Miguel Fuster sa Daan Pare ay hindi gaanong mapakinabangan dahil doon umano nagkukuta ang mga rebeldeng kumakalaban sa pamahalaan.
Pransiskano
Noong 1869 ay dumating sa Limay ang mga Franciscan missionary. Sinamantala nila ang pagkakataon at dali-daling nagtayo ng isang visita sa ngayo’y Poblacion. Dito unang nakita ng mga tagaroon ang imahe ni San Pransisko de Assisi na natutuhan nilang sambahin bilang patron.
Noong 1870 ay sinimulan na ng mga paring Pransiskano ang pagpapaunlad sa Limay dahil hangad nilang itatag ito bilang isang regular na bayan, hiwalay sa Orion. Gamit ang kanilang koneksyon ay napapayag nila ang Arsobispo ng Maynila at si Gobernador-Heneral Rafael Izquierdo na ideklara ang Limay bilang isang regular na bayan noong Hulyo 14, 1877. At bilang isang bayan, naghalal ang mga taga-Limay ng sarili nilang alkalde, si Miguel Lintag na nanungkulan magmula noong 1880 hanggang 1887. Siya ay pinalitan ni Baldomero Lintag bilang kapitan municipal (mayor) ng Limay noong 1887.
Hindi nagustuhan ng mga Dominikano ang ginawa ng mga Pransiskano sa Limay, gaya din ng naging galit nila noon sa mga paring Sekular na nagtatag ng mga bayan ng Pilar (1801) at Dinalupihan (1865). Naghain sila ng protesta sa tanggapan ni Gobernador Izquierdo upang bawiin nito ang nauna nitong utos. Ikinatwiran nila na ang mga Dominikano lamang ang pinayagang mamahala sa kabuuan ng Bataan simula pa noong 1588. Hindi malinaw kung binawi ni Izquierdo ang kanyang utos. Subalit malinaw na nanatili ang mga paring Pransiskano sa Limay sa mga sumunod na taon. Subalit sa loob ng panahong ito, patuloy na nakinabang ang Orion sa buwis na ibinabayad ng mga taga-Limay taon-taon.
Ang lahat ng mga pagtatalo sa pagitan ng mga Dominikano at Pransiskano ukol sa Limay ay biglang nahinto nang magtagumpay ang mga Pilipino sa naganap na Philippine-Spanish War noong Mayo 1898. Napalayas ang lahat ng paring Kastila sa Bataan, gayundin sa ibang lalawigan. Sa puntong ito ay hindi malinaw kung nagkaroon ng sariling alkalde ang Limay magmula 1898 hanggang 1916.
Cadwallader era
Nagsimulang magbago ang klima sa Limay nang dumating doon ang Cadwallader-Gibson Lumber Company noong 1913. Nagsimula ang mga logging operation sa Limay sa tulong ng mga negosyanteng Amerikano. Lumaking bigla ang populasyon ng Limay. Lumaki rin ang kita ng nasabing lugar. May P50,000 taon-taon ang kinita nito ngunit napunta lang sa Orion ang nasabing kayamanan. Nagkagayonman, nagmistulang isang siyudad ang Limay. Meron ditong sinehan, gawaan ng yelo at mga riles ng tren na gamit sa pagto-troso.
Sa laki ng kita mula sa Cadwallader ay nagkaisip ang mga taga-Limay na humiwalay na sa Orion at magsarili simula noong 1916. Ang separation movement ay sinimulan nina Francisco Villafranca, Emilio Ambrosio, Andres Ambrosio, Jose del Rosario, Mariano San Pedro, and Victorino Calma.
Sa pagtutulungan nina Congressman Maximino delos Reyes (1916-1919, 1919-1922) at Gobernador Conrado Lerma (1916-1918) ay natupad ang kahilingan ng mga taga-Limay. Noong Enero 1, 1917, isang Executive Order ang ipinalabas ni American Governor-General Francis Burton Harrison para maging isang regular na bayan ang Limay. Si Domingo R. de Ocampo, pinsan ni Congressman Maximino Delos Reyes, ang nahirang na acting municipal mayor ng Limay, kasama si Ramon Ambrocio, empleyado ng Cadwallader-Gibson, bilang vice mayor. Makalipas pa ang 50 taon, matapos itayo ang STANVAC at ESFAC sa Baryo Lamao noong 1960, ang Limay ay naging kauna-unahang first class municipality sa Bataan.
Alamat ng Limay
Sa pagsasaliksik na isinagawa para alamin kung saan nagmula ang pangalan ng Limay ay narito ang nag-iisang nalathalang alamat ng nasabing bayan. “Isang araw, may mga sundalong Kastila na nakarating sa Limay. Gusto lang nilang alamin ang pangalan ng nasabing lugar. Napadako sila sa dalampasigan kung saan sila nakatagpo ng mga tao. Isang Kastila ang kagyat na nagtanong sa mga tao. Inakala ng mga taong tinanong na gustong malaman ng mga sundalo kung ilan silang magkakasama. Isa sa mga kalalakihan ang dagling sumagot sa tanong ng Kastila. Ang sabi niya:‘Lima ay.’ Ang ibig lang sabihin ng lalaki ay ‘lima silang lahat na nasa dalampasigan.’ Ang ‘AY” ay bahagi lamang ng punto ng mga taga-Limay. Isinulat naman ng Kastila ang sagot – ‘Lima ay.’ Magmula noon ay nagsimula nang tawaging ‘Limay’ang nasabing lugar.”
Simula ng Limay batay sa Pananaliksik
Ang pangalang Limay ay hinango sa mga salitang Kastila na — “Tierra de lima y potasio y posporo.” Sa Inglis, ang kahulugan nito ay “Land of lime, potassium and phosphorous.” Ang ibig sabihin nito, mayaman pala ang bayan ng Limay sa mga mineral na “lime,”“potassium” at “phosphorous” noong araw.
Ang LIMA (o “lime” sa Inglis) ay isang puting kemikal (calcium compound) na ginagamit sa paggawa ng semento. Ang POTASIO (o “potassium”) ay isang malambot at mamuti-muting elemento na ginagamit sa paggawa ng bakal. Ang lupa sa Limay ay maraming potasio ngunit napatunayang mababa sa nitroheno. Ang POSPORO (o “phosphorus”) ay isang nakalalasong elemento, walang halong bakal at ginagamit sa pagawa ng pulbura at posporo na ginagamit sa paggawa ng apoy.
Pagmimina
Mga Kastila ang unang nakatuklas sa dami ng lima, potasio at posporo na nakaimbak sa Limay, sa may bisinidad ng Alangan at Lamao. Dahil dito, tinawag nila ang nasabing lugar bilang “Tierra de Lima y potasio y posporo.” Napakinabangan naman ng mga Kastila ang lima (sa anyong limestone) sa Limay. Nagmina sila nito at ginamit sa pagpapatayo ng simbahan ng Orion, Balanga at Samal. Isinakay nila ang mga ito sa bangka at dinala sa tatlong bayan. Ang unang simbahan sa Abucay ay ginamitan ng lima na binili pa sa Maynila. Nakatagpo din ng minahan ng lima sa Mariveles ngunit ang mga ito ay ginamit sa pagtatayo ng mga simbahan sa Maynila at sa kuta sa Corregidor Island.
Nagmina rin ng potasio ang mga Kastila sa Limay, na kanila namang naipagbili at napakinabangan. At bagama’t ma-posporo ang lupa ng Limay, hindi naman gaanong kalakihan ang dami nito para pagkakitaan.
Matagal na panahon na tinawag ang Limay bilang “Tierra de Lima y Potasio y Posporo.” Pero bibihira ang mga taong nakatanda o nakaalala sa mga salita pagkatapos ng “Tierra de Lima y…” Para sa kanilang kabutihan, sinimulan nilang tawagin ang nasabing lugar bilang “Lima y,” o “Lima at iba pa…” Dumating ang araw na ang Lima y… ay naging Limay.
Mga Pinunong Naglingkod sa Limay
(1901-2016)
Magmula noong 1901 hanggang 1916, ang mga alkalde na namahala sa Limay ay pawang mga taga-Orion, dahil ang Limay ay isa pa lamang baryo ng Orion noon. Naging isang malayang bayan ang Limay noong Enero 1, 1917 sa utos ng American governor-general na si Francis Burton Harrison. Magmula noon ay mga taga-Limay na ang mga namuno sa nasabing bayan, gaya nina:
Blg. Alkalde Sistema Taon Bise-alkalde
1 Domingo de Ocampo appointed 1917-1919 Ramon Ambrocio
elected 1919-1922 Ramon Ambrocio
2 Francisco Villafranca elected 1922-1925 Ramon Ambrocio
reelected 1925-1928 Ramon Ambrocio
3 Eusebio F. Reyes elected 1928-1931 Severiano V. Calma reelected 1931-1934 Severiano V. Calma
reelected 1934-1938 Francisco B. Reyes
4 Severiano V. Calma elected 1938-1941 Francisco B. Reyes
5 Francisco B. Reyes elected 1941-1942 Jose L. Juinio Sr.
6 Eusebio Reyes appointed 1942-1945 – none –
7 Francisco B. Reyes appointed 1945-1947 Vicente Julian
8 Severiano V. Calma appointed 1947-1947 Jose D. Reyes
9 Domingo F. Perona elected 1948-1951 Apolinario Salvador
reelected 1952-1955 Candido C. Cruz
reelected 1956-1959 Dionisio J. Roque
10 Floro S. Roxas elected 1960-1963 Pedro D. Reyes
elected 1964-1967 Filomeno San Pedro
elected 1968-1971 Tomas Montinid
elected 1972-1975 Ramon P. Ambrocio
appointed 1976-1979 Ramon P. Ambrocio
11 Florencio R. Fernando elected 1980-1986 Ramon P. Ambrocio
12 Floro S. Roxas appointed 1986-1988 Ruben G. Roque
13 Nelson C. David elected 1988-1992 Ramon P. Ambrocio
reelected 1992-1995 Ruben G. Roque
reelected 1995-1998 Gerardo R. Roxas
14 Gerardo Roxas elected 1998-2001 Carlito C. Gochuico
15 Nelson C. David elected 2001-2004 Ramon P. Ambrocio
Nelson c. David reelected 2004-2007 Melchor L Fernando
Nelson C. David reelected 2007-2010 Melchor L. Fernando
16 Lilvir Roque elected 2010-2013 Remegio Tayag Jr.
Lilvir Roque reelected 2013-2016 Eufemia Roxas