banner

Part 17

Written by
  • 1 Bataan .
  • 8 years ago

Bagac

Ang Bagac ay isa sa dalawang pamayanan na matatagpuan sa kanluraning bahagi ng Bataan at nakaharap sa West Philippine Sea (dating South China Sea). Buo na ang pamayanang ito at pinananahanan na ng mga sinaunang Moro at Ita bago pa dumating ang mga Kastila sa Pilipinas noong 1521. Ang ilan sa mga matatandang pamayanan ng Bagac ay ang Saysain, Banawang, Tiis, Sinapsap, Kabayo, Salmon, Paysawan at Mahabang Parang.

Noong 1606, ang Bagac ay naging isang malayong baryo ng Mariveles. Pagkatapos ay naging baryo naman ito ng Morong. Nakabilang din ito sa ibang lugar gaya ng Morong, Mariveles, Corregidor at Maragondon (Cavite) na nasakop ng dating “Corregimiento de Mariveles.”

Si Padre Rodrigo Aganduru y Moriz de San Miguel ang misyonaryo na unang nakarating sa Bagac at Morong noong 1607. Pinaniniwalaan na nakatagpo siya dito ng mga Moro at Waray na nagkakatipon sa Bagac. Sa kanila unang ipinalaganap ni Padre Aganduru ang Kristiyanismo. Sila din marahil ang nagbigay sa paring Recoleto ng mga pangalan ng iba’t ibang lugar sa Bagac.

Bagong bayan

Naitatag ang Bagac bilang regular na bayan noong 1873. Ang nasabing bayan ay mararating mula sa Balanga sa tulong ng Governor Joaquin J. Linao Highway. Noong 1961, ang Bagac ay natala bilang isang sixth-class municipality na may taunang kita na umaabot sa P13,078.83 taun-taon. May sukat na 23,120 ektarya, ang Bagac na isa na ngayong fourth class municipality ay binubuo ng 14 na barangay, gaya ng Bagumbayan, Banawang, Binuangan, Binukawan, Ibaba, Ibis, Pagasa, Parang, Paysawan, Quinawan, San Antonio, Saysain, Tabing-ilog at Atilano Ricardo.

 

Tourist attraction

Sa kabuuan, ang Bagac ay isang agricultural and fishing municipality. Bagamat ito’y nasa gilid ng Bataan Peak at Mount Mariveles, malaking bahagi pa rin nito ang nalinang bilang mga bukirin at tinatamnan ng palay at mga gulay. Sagana din sa mga matitibay na punongkahoy ang bundok ng Bagac.  Nagkalat din sa bundok ang mga ilog, talon, bangin, mga malalaki at madidilim na kuweba, at mga World War II historical markers.

Napakaganda rin ng baybayin ng Bagac. Natatampukan ito ng mga coral reef, white sand beach, at mga seaside resorts. Ito ang mga sangkap para matawag ang Bagac bilang isang natural na tourist attraction. Dito rin matatagpuan ang pamosong Montemar Beach Resort, BNPP Housing Complex at ang pamosong “Las Casas Filipinas de Acuzar.”

Bukod sa Montemar Resort, may apat pang beach resorts sa Bagac na taunang dinarayo ng mga turista, lokal at dayuhan, ang Morning Breeze, Fajardo’s, Sun Moon at Bagac Beach Resort. Nasa Bagac din ang Filipino-Japanese Friendship Tower, at Kilometer Zero marker ng Death March bilang pag-alala sa digmaang naganap sa Bataan noong 1941 hanggang 1942. Ang St. Catherine of Alexandria Catholic Church sa Tabing-ilogay madalas pasyalan ng mga turista. Ito ang sentro ng Katolisismo sa Bagac na nagdaraos ng kapistahang bayan tuwing Nobyembre 25.

 

 

 

Populasyon

Ang Bagac ay may populasyon na umabot sa 22,353 noong 2000. Ito ay umakyat sa bilang na 25,568 noong 2010. Kilala ang mga Bagakenyo bilang masisipag na mamamayan. Kung hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, ang mga ito ay sanay gumawa sa bukid o manghuli ng ikabubuhay mula sa dagat at pumasok sa mga pabrika at konstruksyon. Mahilig din silang magnegosyo sa garment manufacturing at food processing.

Sa ngayon ay hindi na problema ng mga kabataan ng Bagac ang makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Mayroon nang sangay ng Bataan Peninsula State University sa Bagac. Meron din ditong dalawang public high school – ang Bagac National High School sa Barangay Parang at isa pang sangay sa Barangay A. Ricardo. Kumpleto din ang Bagac sa mga pasilidad sa elementarya. Sa kasalukuyan ay wala pang Bagakenyo na naglingkod sa Bataan bilang gobernador o kinatawan sa Kongreso.

 

Alamat ng Bagac

Batay sa isang ulat ukol sa Bagac na nalathala sa “History of the Bataan Province” (1953), mga sinaunang Kastila umano ang nagbigay ng pangalan sa nasabing lugar. Ang pangalan ay ibinatay umano sa dalawang salita na kanilang narinig mula sa mga Ita.

Ang unang salita ay “Lumbak,” o isang mababang lugar na nakapagitan sa dalawang bulubundukin. Ang ikalawang salita ay “Tagak,” na tumutukoy naman sa malalaki at mapuputing ibon na naglipana sa iba’t ibang bahagi sa nasabing bayan noong mga panahong iyon. Sa dalawang salitang ito umano hinango ang pangalang “Bagak” na sa kalaunan ay naging “Bagac.”

Narito ang bahagi ng nasabing kuwento, ayon sa mga guro ng Bataan Schools Division:

“On the arrival of the Spaniards in the Philippines in 1521, some of them traveled along the seacoast of Bagac looking for a better place to live in.They had with them an Aeta as guide.  Travelling without a fixed direction, they happened to pass by this place which is hidden between two sharp points extending to the sea.  In their conversation, the Aeta uttered the word ‘lumbak’ which meant ‘lying between two hills.’

            “As they were crossing this spot, they sighted a flock of herons and egresses flying above them. When the Spaniards inquired about the white migratory birds from their guide, the Aeta answered. ‘Iyon po ay mga ibong tagak.’ “From these two syllables: ‘Bak’ from the word ‘Lumbak’ and ‘Gak’ from ‘Tagak’ was derived the name ‘BAGAC.’ Since then, the name had remained so that even to this day, it is still the official name of the town.”

Ang Alamat na ito ay kinopya ni Gng. Cora Zabala-Ross, dating public information officer ng Bataan, at kanyang inilathala sa binuong “Bataan Profile” noong 2002.

 

Isa pang kuwento

Ang yumaong si Rev. Fr. Wilfredo C. Paguio, awtor ng aklat na “Bataan – Land of Valor, People of Peace,” ay nagbigay din ng mahaba-habang ulat ukol sa Bagac. Aniya: “…Bagac, which used to be a barrio of Morong, was also founded by Fr. Rodrigo Aganduru y Moriz de San Miguel (and officially accepted as a parish but only in the year 1873). Here, Fr. Rodrigo built a beautiful convent known among the Spaniards as the ‘Convent of Luzon.’

                         “When Fr. Rodrigo first set on the town, he already found 1,500 baptized Christians. It was also here that the friar found his most loyal friend and companion, Miguel de Calimbas, who joined him in all his travels. De Calimbas was among the first Filipinos to ever have an audience with Pope Urban VIII.”

May isang bagay na may kinalaman kay Fr. Rodrigo Aganduru na hindi gaanong nilinaw sa aklat ni Fr. Willy Paguio. Ito ay isang talata na may kaugnayan sa mga bayan ng Mariveles, Bagac at Morong. Isinulat ni Fr. Paguio ang mga sumusunod:

The Augustinian Recollects sent a second expedition to Mariveles, led by Fr. Rodrigo Aganduru y Moriz de San Miguel, a native of Villadolid, considered as one of the most valiant in Spain in the 17th century…He founded the convents of San Sebastian de Cebu, various Houses of the Order in Mindanao, the town of Subic, and that of Mariveles with the barrios of Bagac, Cabcaben and Maruena or Moron, placing it under the protection of San Nicolas de Tolentino under whose patronage the Recollect Province of the Philippines also falls.

                        “The town of Morong was  founded in 1607 by the same Fr. Rodrigo de San Miguel and placed it under the protection of Our Lady of the Pillar…He died of serious illness in Orrio (Viscaya) on December 26, 1626 at the age of 42.”

Malinaw sa mga pahayag ni Fr. Paguio na “namatay si Fr. Rodrigo noong 1626.” Lumilitaw na 247 taon nang patay si Fr. Rodrigo bago pa kinilala ang Bagac bilang isang regular na bayan noong 1873.

                                                      

Simula ng Bagac

Simple lang ang pinagmulan ng pangalan ng Bagac. Ito ay hinango sa isang salitang Bisaya na “Bagak” o “Bagakay.’ Kung isasalin sa wikang Tagalog, ang BAGAK ay katumbas ng salitang “KAWAYAN”, at ang BAGAKAY ay katumbas naman ng “KAWAYANAN.”

Bamboo” naman at “bamboo groove” ang katumbas ng dalawang salita sa wikang Inglis.

Lumilitaw dito na noong sinaunang panahon ay isang malagong kawayanan ang kabundukan ng Bagac. Ang mga kawayang ito ay pinakinabangan ng mga unang negosyanteng Kastila na nakarating dito sa Pilipinas. Bukod sa paggawa ng bahay, ang mga kawayan ay ginamit din sa paggawa ng mga barko at galleon na karamihan ay ginagawa sa mga pantalan ng Mariveles at Cavite noong panahong iyon.

Nasa kasaysayan na ang bawat galleon o naval ship ng mga Kastila na nagtutungo sa Pilipinas noong araw ay karaniwan nang umuupa ng mga katulong na katutubo pagpasok pa lamang nila sa Visayan Sea magmula sa Dagat-Pasipiko. Karaniwan na’y sa Samar sila unang dumadaong bago magtungo sa Maynila. Kaya mga katutubong Bisaya ang nakakasama nila sa paglalakbay patungo sa Kamaynilaan.

Ang mga katutubong Waray ay malaki ang naimbag sa pag-unlad ng kalakalan ng mga Kastila sa Pilipinas. Sila rin ang nakatulong ng mga dayuhan sa pamumutol ng mga kawayan mula sa Bagac para magamit na andamyo (scaffolding) sa paggawa ng mga barko at galleon. Wala ring duda na sila ang nagbigay ng pangalang BAGAK/BAGAKAY sa lugar na pinagkukunan nila ng mga kawayan.

Ang mga naputol na kawayan ay idinadaan nila sa dagat para madala sa Mariveles. Sa Longos-kawayan, isang cove na matatagpuan sa Baryo Biaan (Mariveles) karaniwan nang ibinababa ang mga pinutol na kawayan at dito ito hinahakot sa karomata para madala naman sa pantalan ng Mariveles.

Mga Bisaya rin ang walang dudang nagbigay ng pangalan sa iba pang lugar sa Bagac tulad ng Kinawan, Binuangan, Paysawan. Caibobo, Salamang, Pasinay atSaysain na malinaw namang hindi hinango mula sa wikang Tagalog.

 

Cadwallader era

Bukod sa mga Kastila, napakinabangan din ng mga Amerikano ang mga kawayan at

iba pang punongkahoy sa Bagac. Kasali sila sa mga taong “pumanot” sa bundok ng Bagac magmula noong 1920 hanggang 1928 kung kailan naganap ang logging operation ng Cadwallader Gibson Lumber Company sa nasabing bayan

Ang Cadwallader din ang nagputol ng mga puno sa kabundukan ng Limay at Mariveles simula noong 1913. Kapalit naman nito ang biglang paglobo ng kita ng pamahalaang-bayan ng Bagac. Nagkaroon ng malaking pantalan sa Quinawan at Saysain na siyang ginamit sa pagkakarga ng mga naputol na kahoy mula sa kabundukan para madala sa Maynila o sa ibang bansa.

Nagmistulang isang maliit na lungsod ang dalawang baryo – may sinehan, may ice plant at maraming kabahayan. Nagdaos din dito ng malalaki at maluluhong kapistahan na kumpleto sa banda ng musika at mga artistang nanggaling sa Maynila. Sa loob ng may sampung taong operasyon ng Cadwallder sa Bagac ay nabawasan nang malaki ang dami ng mga punongkahoy sa kabundukan ng Bagac. Subalit patuloy pa rin ang pagtubo ng mga kawayan sa Bagac hanggang sa kasalukuyan.

 

Mga Pinunong Naglingkod sa Bagac

(1901-2016)

NOMAYORVICE-MAYORYEAR
1Vicente NojaderaIldefonso Batol1901-1903
2Ildefonso BatolJuan Batol1905-1905
3Exequiel RoblesBernard Robles1905-1907
4Eugenio LoretoLeoncio Marquez1907-1910
5Leoncio MarquezCornelio Blanco1910-1913
6Eugenio LoretoLucio del Rosario1913-1916
7Wenceslao CerezoDoroteo Dilig1916-1919
8Esteban NojaderaBlas Mandocdoc1919-1922
Esteban NojaderaValentin Calma1922-1925
9Eugenio LoretoElias Mandocdoc1925-1928
10Esteban NojaderaEsteban Nojadera1928-1931
11Esteban NojaderaIsidoro Mandodoc1931-1933
12Zoilo GutierrezValentin Calma1934-1937
13Lazaro J. Dizon-none-1942-1944
14Angel del Rosario-none-1944-1946
15Zoilo Gutierrez-none-1946-1947
16Angel del RosarioApolinario Malabanan1948-1951
17Fortunato TuazonPrimitivo Flores1951-1955
Apolinario Malabanan1956-1959
Teofisto  Quiros1960-1963
18Atilano RicardoEufracio Flores1964-1967
19Emiliano CascasanPedro Llemos1968-1971
20Atilano Ricardoxxxxx1972-1976
21Bartolome MaruezCornelio Villablanca1976-1980
22Ernesto Cascasanxxxxx1980-1986
23Tomas DiligGuillermo Mendoza Sr.1986-1988
24Norberto RicardoMel T. Teopengco1988-1992
Norberto Ricardoxxxxx1992-1995
Norberto RicardoAntonio M. de Leon1995-1998
25Melquiades T. TeopengcoJose  R. Bantugan1998-2001
26Norberto RicardoJose R. Bantugan2001-2004
27Armando RamosChristian de Leon2004-2007
28Ramil del RosarioRomeo Teopengco2007-2010
Ramil del RosarioGuillermo Mendoza Jr.2010-2013
Ramil del RosarioGuillermo Mendoza Jr.2013-2016
Article Tags:
·
Article Categories:
Bataan History

Comments are closed.

Shares