Para matuldukan na ang ang pagbebenta at paggamit ng droga sa buong lalawigan ng Bataan, ipinahayag ni Gob. Abet sa harap nina Usec. Arturo Cacdac Jr., Director General Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); PDEA Regional Director III, Jeofrey Tacio, at Bataan PNP Director P/Sr.Supt. Audie Atienza na hindi niya puputulin ang pagbibigay ng incentives sa mga hepe ng bawat bayan sa mga mahuhuli nitong mga kriminal, drug user at pusher kaya lamang ibabatay ito sa Performance Governance System(PGS).
Idinagdag pa ni Garcia na ibabase din ang incentive sa bigat ng kaso ng sinumang tao na kanilang mahuhuli at agad na bibigyan ng promosyon o biyaya ang sino mang hepe o pulis na makagagawa nito.
Hindi lamang sa kagawaran ng pulisya ipatutupad ang nasabing PGS. Ginagawa na ito sa mga tanggapan ng kapitolyo at sa Lungsod ng Balanga, dagdag pa ng Gobernador.
Sinabi din ni Balanga City Mayor Joet Garcia na hindi madali ang kanilang gagawing pagtuldok sa ipinagbabawal na gamot sa Lungsod, subali’t kung tulung- tulong ang bawat barangay, NGOs at mamamayan ay makakaya nilang gawin ito.
Ginamit na halimbawa ng Mayor ang paninigarilyo na pangunahing tinatangkilik ng mga kabataan, lalo na ng mga kalalakihan, na naipagbawal sa bawat sulok ng Lungsod, at dahil dito nagawaran ng Hall of Fame award ang Lungsod mula sa Department of Health.
Upang maging matagumpay ang pakikipaglaban sa mga dealers, pushers at users ng ipinagbabawal na gamot, ayon kay Usec. Cacdac Jr. kailangang magtatag ang lokal na pamahalaan ng City Anti Drug Campaign na iuugnay din sa mga barangay, na siya namang magpapalaganap ng impormasyon ukol sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa isip at katawan ng tao.
Hiniling naman ni P/Sr.Supt. Atienza kay sa Gobernador na huwag nang ibalik sa Bataan ang mga pulis na nasasangkot sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot para umano huwag nang mabahiran pa ang kanilang mga kasamahan na seryosong nagtatrabaho upang di na makapasok sa Lalawigan ang droga.