Ito ang mensahe ng grupo ng mga kabataan sa Bataan ngayong World Environment Day 2021 sa isinasagawa nila ngayong coastal clean-up sa Ayam Street, Brgy. Lamao, Limay, Bataan.
Ang World Environment Day 2021 ay may tema ngayong: “Ecosystem Restoration” at ang Pakistan ang siya ngayong host country sa pandaigdigang event na ito.
Ayon sa Young Bataeños Environmental Advocacy Network o YBEAN, panawagan nila sa lahat ng mamamayan hindi lamang sa Bataan kundi sa buong mundo na makiisa sa kanilang adbokasiya na palagiang linisin ang mga coastal areas, magtanim ng bakawan o mangroves, palaganapin ang green cities at palagiang magtanim ng mga puno at huwag sirain ang mga kagubatan.
Panawagan nila, hindi lamang sa mga kapwa nila kabataan kundi sa lahat ng mamamayan na pulutin at linisin ang mga basura lalo na ang mga produktong plastic na siyang pangunahing pollutants sa mga karagatan na pumapatay sa mga lamang dagat at sumisira sa ecosystem sa ilalim ng dagat.
Ang World Environment Day ay ipinagdiriwang tuwing ika-5 ng Hunyo kada taon bilang pangunahing behikulo ng United Nations sa environmental awareness lalo na sa aspeto ng air pollution, plastic pollution, illegal wildlife trade, sea level increase, sustainable consumption, at food security.
Sinimulan ito noong ika-5 ng Hunyo 1972 kung saan idineklara ng UN General Assembly ang nasabing petsa bilang “World Environment Day.”