Problema ng mga flying voters, matutuldukan nga ba?

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tiniyak ng opisyal ng COMELEC ng Lungsod na ito na hindi na makaboboto muli ang mga wala na sa listahan, mga lumipat na ng tirahan at mga patay na dahil masusi nilang sinaliksik sa kanilang talaan ang mga botante sa lungsod na ito.

Sinabi ni Melanio Sibayan, COMELEC City Registrar na tinanggal na nila sa listahan ang mga namatay nang botante para wala na umanong makagamit ng kanilang mga pangalan sa darating ng halalan.

“Humingi kami ng kopya sa National Statistics Office (NSO) ng talaan ng mga patay kaya nakasisiguro ako na wala nang mga flying voters sa halalan” pahayag ni Sibayan.

Idinagdag pa ni Agnes Payson, COMELEC Assistant Registrar na gumaganda na rin ang ulat sa talaan ng mga nagpaparehistro samantalang kaunti pa rin ang mga nagpapa validate ng pangalan ng mga botante sa kanilang tanggapan.

Ayon pa kay Payson upang hindi na maabala ang ating mga kababayan, ang mga kawani na ng COMELEC ang nagtutungo sa bawat barangay upang doon na isagawa ang satellite registration.

Ipinahayag pa ni Payson na katatapos lamang nilang magsagawa ng satellite registration sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Bataan na tumagal nang halos isang linggo.

“Mga botante lang sa Lungsod ng Balanga ang aming nirehistro kasi ginagawa rin ito ng ibang bayan at lahat ng aming narehistro ay boboto sa isang lugar na mapagpapasyahan ng COMELEC Registrar’s Officer sa darating na halalan.

Mahigpit na panawagan ni Sibayan sa ating mga kababayan na hindi pa nakakapag pavalidate at nakakapag parehistro ay magparehistro na dahil hanggang sa katupasan na lamang ng Oktubre 2015 pwedeng makapagparehistro.