Hindi bababa sa 55 libong bagong trabaho ang malilikha kapag naging fully developed at fully operational na ang mga negosyo at establisimyento sa itinatayong “mini BGC” sa bayan ng Pilar, Bataan.
Ito ang mariing tiniyak ni Pilar Mayor Charlie Pizarro sa ginagawang FAB Registered Enterprise sa kanyang bayan na inaasahang matatapos sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
Ang mahigit isang libong ektaryang proyektong ito na dinidevelop ng kumpanyang pag-aari ni Jerry Acuzar, ang developer at may-ari ng pamosong Las Casas Filipinas de Acuzar, ay nagkakahalaga ng mahigit apat na bilyong piso. Bahagi ito ng FAB expansion program ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) na naging batas kamakailan dahil sa legislative measures na iniakda ni Bataan Second District Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia III at full support ni Bataan Governor Abet Garcia.
Ayon pa kay Mayor Pizarro, ang mixed-use development project na ito ay inaasahang makakapag generate ng karagdagang P10 bilyong real property taxes hindi lamang sa bayan ng Pilar kundi sa buong Probinsya ng Bataan. Mayroon itong sariling pier, manufacturing firms, housing at business areas na tatayuan ng mga sinehan, malls, hotels at iba pang luxury amenities.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang mga ginagawang road networks sa bisinidad ng naturang proyekto.