Abot-kayang bigas, inilunsad para sa vulnerable sectors

Nagkaroon nang mas madaling akses sa murang bigas ang mga magsasaka at vulnerable sectors sa Bataan sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron Na” program ng administrasyong Marcos, na naglalayong patatagin ang seguridad sa pagkain at tulungan ang mga mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin. Sa ilalim ng programa, maaaring makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo ang mga kwalipikadong benepisyaryo.

 

Ayon sa NFA Pampanga, maaaring makinabang ang senior citizens, solo parents, PWDs, indigent households kabilang ang 4Ps beneficiaries, rice farmers, fisherfolk, at jeepney at tricycle drivers mula Oktubre 27 hanggang Disyembre 2025 sa NFA Bataan Warehouse sa Lungsod ng Balanga. May nakatakdang limitasyon sa pagbili kada buwan depende sa sektor, gaya ng 30 kilos para sa senior citizens, solo parents, PWDs at tsuper ng jeepney at tricycle; 10 kilos para sa fisherfolk; at hanggang 50 kilos para sa rice farmers at rice workers sa buong programa.

 

Kinakailangan ding magpakita ng kaukulang ID o sertipikasyon upang makabili ng bigas. Kabilang dito ang OSCA ID para sa senior citizens, ID mula sa LGU Social Welfare Office para sa solo parents, PWD ID, 4Ps ID o DSWD certification para sa indigent households, LTFRB o transport cooperative ID para sa mga jeepney driver, at Tricycle Operator’s Permit para sa mga tricycle driver. Para naman sa rice farmers at fisherfolk, kinakailangan ang ID o dokumento mula sa DA, BFAR o kanilang LGU bilang patunay ng pagiging kwalipikado.

Leave a comment