Anim na araw matapos kumpirmahin ang pagtama ng African Swine Flu (ASF), sa apat na bayan ay ibinalita ni Mayor Gila Garcia sa pagpupulong ng Mayors’ League at PDRRMC na sa ngayon ay unti-unti nang nako-contain, nako-control at nama-manage ang nasabing problema sa tulong ng Provincial Veterinary Office sa pangunguna ni Dr. Venturina.
Dahil sa ginawang maigting na monitoring at information dissemination sa mga opisyal ng barangay, hog raisers at mamamayan ay unti unti nang nagkaroon ng linaw ang mga dapat gawin upang masawata ang pagkalat pa ng ASF.
Sa naturang pulong ay inilahad ni Mayor Gila Garcia ang mga tuntunin na kailangang sundin sa buong lalawigan.
Ayon pa rin kay Mayor Gila, mahigpit pa ring ipinatutupad ang inspection sa mga itinalagang check points sa mga entry at exit points sa Bataan upang masiguro na walang makapapasok na mga delivery trucks ng baboy sa lalawigan.
Ipinakikiusap din sa mga hog raisers partikular na ang mga backyard raisers na iwasan ang pagpapakain ng “kaning baboy o left overs” lalo na umano yong galing sa mga restaurant dahil dito umano nata-transmit ang mga virus, gayundin na panatilihin ang kalinisan at laging i-disinfect ang kinalalagyan ng mga baboy; maging ang caretakers ay kinakailangang maging maingat sa pagpapakain ng mga baboy at sumunod sa mga panuntunan.
Sa lalawigan, dagdag pa ni Mayor Gila na, umiiral pa rin ang Executive Order No. 147 ni Gov. Abet Garcia hinggil sa mga check points; kung magpapakatay umano ng baboy sa mga slaughter houses, kinakailangang may ASF-free certificates mula sa Office of the Provincial Veterinarian; at kung maglalabas ng baboy mula sa ASF-free municipalities palabas ng Bataan, tiyakin umano na bukod sa ASF free certification ay mayroon silang shipping permit na inisyu pa rin ng nasabing opisina.