Pinarangalan ang Pamahalaang Lungsod ng Balanga bilang nag-iisang local government unit (LGU) sa Central Luzon at isa lamang sa sampung awardees sa buong bansa na tumanggap ng 2025 DSWD at Galing Pook Walang Gutom Awards dahil sa matagumpay nitong programang “Gawing Magsasaka ang Bawat Isa.”
Ayon sa Department of the Interior and Local Government Bataan, kinilala ang lungsod dahil sa matatag nitong adbokasiya para sa food security, sustainable community development, at people-centered governance na nagsisilbing huwaran sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Ang naturang programa ng Balanga ay nakatuon sa pagpapalakas ng lokal na agrikultura at paghikayat sa mga mamamayan na maging bahagi ng produksyon ng pagkain, bilang tugon sa layunin ng pamahalaan na labanan ang kagutuman at palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na maging self-sustaining.
Ang Walang Gutom Awards, na inilulunsad ng Department of Social Welfare and Development katuwang ang Galing Pook Foundation, ay nagbibigay-pugay sa mga LGU na nagpapatupad ng makabago at epektibong mga programang tumutugon sa gutom, nutrisyon, at inclusive development sa kanilang nasasakupan.
Pinangunahan ni Raquel Francis D. Garcia ang lungsod sa pagkamit ng prestihiyosong parangal, katuwang ang mga lokal na opisyal, partner organizations, at mga residente na naging susi sa tagumpay ng programang nagdala ng karangalan hindi lamang sa Balanga kundi sa buong Bataan.