Pormal nang iginawad ng Department of Tourism (DOT) ang 4-Star Resort Certification sa Bayandati Resort, isang mahalagang pagkilala na nagpapakita ng mataas na pamantayan ng resort sa larangan ng hospitality at turismo sa lalawigan ng Bataan.
Sa naturang pagkilala, ang Bayandati Resort ang kauna-unahang 4-star certified resort sa bayan ng Morong at ikalawa lamang sa buong lalawigan ng Bataan na nakatanggap ng ganitong sertipikasyon mula sa DOT.
Ayon sa ahensya, sumasalamin ito sa kalidad ng akomodasyon, serbisyo sa mga bisita, pasilidad, kaligtasan, at pangkalahatang kahusayan sa hospitality ng resort.
Ayon kay Jorge Chua, may-ari ng naturang resort, malaking karangalan para sa kanilang pamunuan ang naturang pagkilala at magsisilbi itong inspirasyon upang lalo pang mapahusay ang karanasan ng kanilang mga bisita.
Inaasahan ding makatutulong ang sertipikasyon sa pagpapalakas ng turismo at ekonomiya ng Morong at Bataan, habang higit pang ipinoposisyon ang lalawigan bilang pangunahing destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista.