MARIVELES, Bataan – Magtatayo ng permanenteng Base Camp ang Pamahalaang Bayan ng Mariveles sa paanan ng Tarak Ridge sa Barangay Alas-Asin ng bayang ito.
Ayon kay Konsehal Ace Jello Concepcion, Chairman ng Ways and Means, Justice and Ethics, Committees ng bayang ito, buo na ang plano hinggil sa pagtatayo ng nasabing kampo sa Tarak Ridge, na isa sa mga kinagigiliwang akyatin hindi lang ng mga taga Bataan kundi ng mga taga karatig na lalawigan din.
Layunin ng proyektong ito na agad marehistro ang lahat ng mga mountaineers na umaakyat sa naturang bundok, nang sa gayun, kung may maaksidente o maligaw man, madaling makareresponde ang mga kinauukulan.
Sinabi pa ng Konsehal sa isang presscon na may ordinansa ang Pamahalaang Bayan ng Mariveles na inakda ni Konsehal Catipon hinggil sa pagbabawal sa lahat ng mga mountaineers sa pag-akyat saTarak Ridge kung masama ang panahon at sa mga araw na itinakda ng Sangguniang Bayan at Sangguniang Pambarangay. Ito ay naglalayon ding pangalagaan ang Tarak Ridge.
Dagdag pa ni Concepcion, nakasaad din sa nasabing ordinansa na kanilang pagagandahin at lilinisin ang kabuuan ng trail upang makahikayat pa ng mas maraming turista, bilang suporta sa turismo ng kanilang bayan.
Mayroon ding clean up drive ang Mariveles kung kayat mahigpit ding ipinagbabawal sa lahat ng mga mountain climbers ang mag-iwan ng kanilang pinag kainan, “leave nothing but memories” sa itaas ng Tarak Ridge, ani pa Konsehal Concepcion.
Sa nalalapit na mga buwan ng bakasyon at Mahal na Araw, handa ang mga mamamayan at opisyal ng Barangay Alas-Asin at Mariveles sa pagdating ng mga turista at mag-aaral na aakyat ng Tarak Ridge.