Bataan at iba pang lalawigan, nakinabang sa wage increase

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Ang mga manggagawa sa Bataan at iba pang karatig lalawigan ay nakinabang sa ginawang wage increase ng DOLE mula noong Nobyembre 2014.

Sumangguni na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa International Labor Organization (ILO) ukol sa pag-aakma ng minimum wage sa pamumuhay ng mga karaniwang manggagawa.

Sa kanyang talumpati sa katatapos na paggunita sa ika-88 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Senador at may akda ng Labor Code na si Sen. Blas Ople sa Bulacan, sinabi ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng DOLE na bagama’t ang minimum wage ng Pilipinas ay isa sa pinakamataas sa Asya ay hamon para rin ang pag-aakma nito sa pangunahing gastusin upang mamuhay nang may dangal at dignidad ang isang obrero kaya naman nagpasaklolo na ito sa ILO para sa pagkakaroon ng formula ukol rito.

Sa ngayon aniya ang pinakamataas na minimum wage ay nasa P466 at ito ay sa Metro Manila lamang. Ang iba ay nakabatay sa itinakda ng kani-kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Nito lamang Nobyembre 2014 ay itinaas ng RTWPB ang minimum wage sa Bataan at iba pang lalawigan sa Gitnang Luzon kung saan P349 na ang makukuha ng mga manggawa na nasa non-agricultural sector mula sa dating P342; P303 na mula sa dating P319 yung mga nasa agricultural sector at P338 na mula sa dating P324 yung mga nasa retail o services sector. Samantala, ang minimum wage sa Aurora ay nasa P298 para sa non-agricultural, P271 hanggang P283 para sa agricultural, at P228 para sa retail o services sector.

Sinabi ng DOLE na bagama’t may bahagyang paggalaw sa minimum wage sa rehiyon, hindi kasali rito ang mga establisyimentong mababa sa sampu ang bilang ng mga manggagawa, mga nagsipagdeklara na lugi base sa financial records, at mga micro enterprises.

Bukod sa pagtutok na magkaroon ng makabuluhan at makatwirang pagtaas sa minimum wage, target rin ng DOLE na hatakin pababa hanggang 6.6 porsyento na lamang ang unemployment rate pagsapit ng 2016 mula sa naitalang 7 porsyento noong 2012.

Hangad din ng ahensya na gawing 17 porsyento na lamang underemployment rate pagbaba ni Pangulong Aquino sa Hunyo sa susunod na taon mula sa kasalukuyang 20 porsyento.