Ang Freeport Area of Bataan (FAB) ay kabilang sa pinakamabilis na lumalago o fastest growing economic zones sa bansa batay sa bilang ng mga locators, investments, at manggagawa.
Sa isinagawang year-end report kasama ang Bataan local press nitong Disyembre, iniulat ng Authority of the Freeport Area of Bataan o AFAB na noong Oktubre 2022, mayroon na itong kabuuang 94 na operating enterprises at humigit-kumulang 39,695 na manggagawa ang nagtatrabaho ditto kung saan 64 porsiyento ay na-regular na.
Ayon kay AFAB Administrator Emmanuel Pineda, sa parehong panahon, ang freeport ay nakabuo ng kabuuang P11.3 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa mga negosyo nito, P158.5 milyon mula sa port services revenue at $835 milyon mula sa mga transaksyon sa pag-export.
Nakumpleto rin ng AFAB ang kabuuang P13.4 milyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa loob ng komunidad ng FAB. Samantala, mayroon nang 18 expansion areas ang AFAB sa lalawigan kung saan pito ang operational habang ang iba ay sumasailalim pa sa developments.
Nitong katatapos na taong 2022, tanging ang Morong at Orion lamang ang walang FAB expansion areas.
Sa mga ito, binigyang-diin ni Pineda ang magandang epekto ng Republic Act 11453 sa paglikha ng higher investments o mas mataas na pamumuhunan na nakatuon sa mga emerging technologies and industries.
Dagdag pa ni Pineda, pinalakas ng batas ang mga tungkulin ng AFAB dahil nakapagparehistro ito at nakapagbigay ng angkop na mga insentibo sa mga bagong teknolohiya at pinahintulutan ang deklarasyon ng mga expansion areas sa iba pang panig ng lalawigan Bataan.