Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan ang programa nitong “Bisita Bayan, Serbisyo ay Diretso sa inyo” sa Hermosa, nitong Lunes, ika-16 ng Enero.
Ayon kay Bataan Gov. Jose Enrique Garcia III, layunin nito na ilapit ang mga serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga munisipalidad partikular ang edukasyon, kaunlaran, at kalusugan at makita ang sitwasyon at pangangailangan ng mga bayan.
Kasama ni Gov. Joet Garcia sina Hermosa Mayor Jopet Inton, Hermosa First Lady Atty. Anne Inton, Vice Governor Cris Garcia at SP Members, Hermosa Vice Mayor Patrick Rellosa at SB Members, mga punong barangay, department heads ng Kapitolyo at Bataan local media.
Sa naturang programa, kada buwan ay may bayan na bibisitahin si Gobernador Garcia kasama ang mga department heads at piling empleyado.
Kabilang sa mga programa at proyektong dadalhin ng Kapitolyo sa mga bayan ay ang proyektong “Fiber to Home” na layuning mabigyan ng libreng internet connection ang humigit kumulang 100,000 estudyante sa senior high school sa kanilang mga bahay.
Ilalapit din ang Palengke QR o ang pagsulong ng digital payments sa mga establisyemento upang mapabilis at mapagaan ang mga online transactions at payments sa lalawigan.
Nagkaroon din ng konsultasyon sa iba,t ibang sektor kasama ang mga mula sa sektor ng magsasaka, mangingisda, kababaihan sa pangunguna ng Ina ng Hermosa, at senior citizen.
Ang mga serbisyong pangkalusugan tulad ng Hataw Takbo Bataan, Healthy School Settings, at Matatag na Pamilyang Bataeño ay kabilang din sa mga programang dala ng Kapitolyo sa mga bayang dadalawin at paglilingkuran nito.