banner

Consuming public pinayuhan ng DTI

Written by
  • Nerlie L.
  • 9 years ago

   LUNGSOD  ng BALANGA, Bataan – Malamig na ang simoy ng hangin at amoy na ang kapaskuhan kaya naman, pinapayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang lahat ng consumers na inaasahang dadagsa sa mga pamilihan na suriing mabuti ang mga produkto na kanilang binibili tulad ng Christmas lights at  mga Noche-Buena products para sa kanilang proteksyon.

   Sa ginanap na Kapihan sa DTI kasabay ng pormal na pagbubukas ng Business Resource Center (BRC) sa loob mismo ng DTI-Bataan office noong Biyernes,  sinabi ni OIC Provincial Director Nelin Cabahug, na tuluy-tuloy ang isinagawang price monitoring ng kagawaran sa mga supermarkets at palengke para masiguro na sumusunod ang mga ito sa itinakdang suggested retail prices (SRPs) ng Noche-Buena products na ngayon ay nakapaskil sa malalaking establisimyento. 

  Sa pagbili naman ng Christmas lights, dapat ding hanapin ng mamimili ang Philippine Standard (PS) certification mark o Import Commodity Clearance (ICC) mark para sa mga imported Christmas lights upang matiyak ang kalidad at ligtas gamitin ang mga ito.

   “We have to protect our consuming public,”  ani pa Cabahug kasabay pagtiyak na paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbisita sa mga merkado lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.

   Binanggit pa nito na sakaling may matuklasan sila na hindi sumunod sa SRP’s ang isang establisimyento, papadalhan ng DTI ng show-cause letter ang naturang establisimyento para magpaliwanag at kung sakaling mapatunayan na nagkaroon ito ng paglabag ay papatawan ng hindi bababa sa P5,000 hanggang P1-milyong multa depende sa bigat ng naging paglabag.

   Muli namang nagpaalala ang DTI sa mga konsumer na tignan muna ang expiry o best before date at ang price tag ng isang Noche-Buena product bago ito bilhin. Mas makabubuti rin na ikompara ang bigat ng produktong ito sa ibang brand para malaman kung saan ito mas makakamura.

   Samantala, magandang balita at maagang pamasko sa lahat ng mamimili mula sa samahan ng mga lokal na panadero ang pagtapyas sa presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal. Ang Pinoy Tasty ay bumaba ng P0.50 per loaf habang ang Pinoy Pandesal ay bumaba naman ng P0.25 per 10-piece pack. Simula noong Nobyembre 7, 2014, mabibili na sa P36.50 ang Pinoy Tasty at ang Pinoy Pandesal ay P22.25 per 10-piece pack.

   Ayon sa DTI,  ito ay dahil bumaba ang presyo ng harinang pinoy sa P730.00 mula sa dating P750.00. Ang harinang pinoy ay isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

   Bumaba rin ang presyo ng semento ng P10.00 hanggang P15.000 kada 40kg bag kung kaya’t ang retail price nito ay inaasahang maglalaro sa P215.00 hanggang P220.00.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares