Dumalaw ang Cool Iskool Mobile Library sa Samal North Elementary School bilang bahagi ng programang “Biyahe ng Kaalaman” na isinusulong ni Bataan Rep. Tony Roman III para palakasin ang kultura ng pagbabasa sa Unang Distrito ng Bataan.
Masiglang sinalubong ng mga mag-aaral at guro ang mobile library na naghatid ng mga aklat at interaktibong aktibidad sa loob ng paaralan.
Ayon kay Roman, mahalaga ang paglapit ng mga serbisyong pang-edukasyon sa mga bata upang mahikayat silang magbasa at matuto kahit sa labas ng silid-aralan. Ipinakita rin ng mga guro ang buong suporta sa programa na layong palawakin ang kaalaman at imahinasyon ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng madaling access sa mga libro.
Ang Cool Iskool ay isang mobile library initiative na umiikot sa mga paaralan at komunidad sa Unang Distrito ng Bataan upang maghatid ng libreng babasahin at learning activities. Bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ni Rep. Tony Roman III na tutok sa edukasyon, literacy, at serbisyong may puso para sa kabataan ng lalawigan.