Diskwento Caravan sa Dinalupihan, gumulong na!

DINALUPIHAN, Bataan – Sinimulan na  kahapon, ika-6 ng Setyembre, ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Diskwento Caravan sa bayang ito.

Ayon kay DTI Provincial Director Nellin Cabahug, tatagal ng apat na araw ang Diskwento Caravan sa bayan ng Dinalupihan.

Sinabi rin ni Cabahug na ito ay bunsod sa pagkakadeklara ni Mayor Gila Garcia ng State of Calamity sa naturang bayan, na dahil na rin sa pagkakapinsala ng kanyang bayan dulot ng Habagat.

Ang mga mabibili sa caravan ay mga basic commodities tulad ng NFA Rice sa halagang P27/kilo, sardinas, toothpaste, noodles, shampoo, tuna,  asukal, kape, mantika, school supplies, at iba pa.

“Walong barangay kada araw, ang iikutan ng Diskwento Caravan na nagsimula kahapon sa Sapang Balas, Pita, Bayanbayanan, Dalao, Old San Jose, Pagalanggan, Tucop at San Simon” dagdag ni Cabahug.

Idinagdag pa ni Cabahug na iikutan din ng Diskwento Caravan ang siyam na mabababang barangay sa bayan ng Hermosa mula sa ika-14 hanggang ika-16 ng buwang ito, makaraang madeklara rin ang bayang ito sa ilalim ng State of Calamity.