Magpapatupad ng apat na araw na work week ang Pamahalaang Bayan ng Hermosa, Bataan alinsunod sa Memorandum Circular No. 114, Series of 2026 na inilabas ng Office of the President.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng hakbang ng gobyerno upang makatipid sa operational expenses at makatulong sa pagtugon sa epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo na dulot ng tumitinding tensyon at digmaan sa Middle East.
Sinabi ni Mayor Anne Inton na epektibo na ang bagong iskedyul simula Marso 9 kung saan magiging 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi ang oras ng trabaho sa mga tanggapan ng munisipyo mula Lunes hanggang Huwebes.
Layunin umano nitong mabawasan ang konsumo sa kuryente, gasolina, at iba pang gastusin ng pamahalaan habang patuloy na naibibigay ang kinakailangang serbisyo sa publiko.
Gayunman, nilinaw ng pamahalaang bayan na hindi maaapektuhan ang mga tanggapan na may tuloy-tuloy na operasyon tulad ng Municipal Health Office, Hermosa Marshalls, Market Office, at mga garbage collectors. Mananatili ang kanilang regular na serbisyo upang matiyak ang kaligtasan, kalusugan, at kaayusan ng mga residente ng Hermosa.