Pinag-aaralang mabuti ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan at pamahalaang-bayan ng Limay ang magiging katayuan ng Petron Bataan Refinery (PBR), ang pinakamalaking oil refinery sa Pilipinas.
Sinabi ni Limay Vice Mayor Richie Jayson David na magkatuwang ang pamahalaang-bayan at pamahalaang-panlalawigan sa paghahanap ng solusyon kung anu ang magiging kapalaran ng Petron at humigit-kumulang sa 100 manggagawa nito kasunod ng napipintong pagsara ng natitirang planta ng langis sa bansa.
Nauna rito, ipinahayag ni Ramon S. Ang, presidente ng Petron, na maaaring magsara ang 60-taon nang oil refinery sa bansa dahil sa pagkalugi at mahigpit na kumpetensiya sa larangan ng industriya.
Nang tanungin tungkol sa posibleng gawing bahagi ng Freeport Area of Bataan (FAB), sinabi ni David na “doon po papunta ang usapan sa isyung yan, subalit hindi pa po final.”
Inamin ni David na maaaring malaki ang mawawala sa lokal na pamahalaan pagdating sa buwis na ibinabahagi ng Petron sa Limay, subalit hindi ito nakahandang talakayin ang naturang isyu.
Tungkol sa problema ng manggagawa, sinabi ni David na nakahanda ang lokal na pamahalaan na tulungan ang mga ito.