Kuwentong Bataan – Ikatlong Bahagi

Orani

 

Alamat ng Orani

Isang araw, isang Kastila ang lumilibot sa magubat na bayan ng Orani nang makasalubong niya ang isang katutubo na namumutol ng isang malaking puno ng “narra.” Tinanong ng Kastila ang katutubo kung ano ang pangalan ng nasabing lugar. Ang sagot ng tinanong ay “Narra.” Inakala ng katutubo na ang itinatanong sa kanya ng Kastila ay kung anong puno ang kanyang pinuputol ng mga sandaling iyon.

Parang nagkaringgan naman ang Kastila sa naging sagot ng katutubo. Ang dinig niyang “no ira” ang sagot ng kausap. “Ang “no ira” sa wikang Kastila ay “hindi madamot.” Bukod sa nagkamili ng pandinig, napagbali-baliktad pa nito ng Kastila ang salitang “no ira,” kaya nga iyon ay maging “Orani.  At magmula noon ay Orani na ang naging katawagan sa nasabing bayan.

 

Parang-parang

Ang Parang-parang, isang baryo sa Orani, ay naging makasaysayan noong panahon ng digmaan. Sa dating ilang na bukirin na ito ay naitayo ang isang kampo ng mga sundalong Hapones. Ang isang bahagi ng malawak na bukirin ay nilagyan ng bakod na sinabitan ng alambreng may tinik matapos itong gawing isang concentration camp ng mga sundalong USAFFE na nadakip sa gitna ng mga labanan sa Bataan.

Noong magsimula ang Death March, ang Parang-parang ay ginamit na pansamantalang kulungan ng mga sundalong USAFFE na magmula pa sa Mariveles at Bagac.Dito ay maraming bilanggo ang nalagutan ng hininga dahil sa malayong lakarin.

Para manatiling buhay ang ginawang pagpapakasakit ng mga sundalong USAFFE at mga sibilyan na nasawi noong panahon ng digmaan, isang munting bantayog ang itinayo sa Parang-parang. Isang maliit na plake ang dito ay inilagay. Pagkaraan ng maraming panahon, ang plake ay pinalitan ng isang mural kung saan ay nakalarawan ang mga bilanggong USAFFE na nanuluyan pansamantala sa dakong iyon ng Orani. Ang mural ay makikita pa rin sa kanto ng Baryo Silahis at ng Bataan National Road.

 

Kilalang mga taga-Orani

Maraming taga-Orani ang gumawa ng kani-kanilang pangalan para makilala sa buong bansa kung hindi man sa buong mundo:

Pablo Tecson. Naging kinatawan ng Bataan sa Kongreso magmula noong 1916 hanggang 1920 (sic).

Roman A. Cruz. Naging kinatawan ng Bataan sa Constitutional Convention noong 1934. Naglingkod din bilang huwes. Siya ang ama nina J.V. Cruz at Roman Cruz Jr.

Lorenzo Zialcita. Naging gobernador ng Bataan magmula 1905 hanggang 1907.

Claro Pascual. Naging pansamantalang gobernador ng Bataan noong 1904.

Simeon D. Salonga. Naging gobernador ng Bataan magmula 1942 hanggang 1945, sa panahon ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Nauna rito, siya ay naglingkod bilang bokal ng Bataan matapos mahalal noong 1940.

Eulogio Balan Rodriguez. Naging direktor ng National Library mula 1922 hanggang 1949. Sumulat ng unang aklat ukol sa Bataan.

Roque Sevilla. Naging bokal ng Bataan noong 1931 hanggang 1934.

Leandro Mayoralgo. Naging bokal ng Bataan, 1935-1938.

Raymundo B. Galicia. Naging bokal ng Bataan mula 1952 hanggang 1955.

 

Paunawa:Si Pablo Roque Tecson ay isang abogado na ipinanganak sa Balanga, hindi sa Orani. Siya ay isa sa tatlong naging kinatawan ng Bataan sa Malolos Congress ng 1898. Doon ay kinatawan niya ang Balanga. Siya ay naglingkod din sa Bataan bilang kinatawan sa Kongreso magmula 1912 hanggang 1916. Kapangalan niya si Heneral Pablo Tecson na kinatawan naman ang lalawigan ng Cagayan sa Malolos Congress. Siya ay naging gobernador naman ng Bulakan noong 1901.

 

Makasaysayang bayan

Ang Orani ay naging isang regular na bayan noong Abril 1714 kung kailan ay itinayo din ang simbahan ng Nuestra Señora del Rosarioat ang kumbento. Ito ay kinumpuni noong 1792. Ngunit muli itong nasira at kinumpuni matapos tamaan ang Orani ng isang malakas na lindol noong Setyembre 16, 1852. Isang panibagong pagkumpuni ang naganap sa simbahan sa panahon ni Fr. Bartolome Alvares del Manzano, O.P. and Fr. Fermin Perez de San Julian noong 1891.

Ang simbahan ay muling napinsala noong Marso 16, 1938 matapos itong madamay sa sunog na tumupok sa malaking bahagi ng Orani. Nadamay din sa nasabing sunog ang munisipyo ng Orani, ang gusali ng Tercenia (dating ginamit bilang kapitolyo, Bataan High Schoool at Orani High School). Si Fr. Gregorio Florencio ang nanguna sa pagpapakumpuni ng simbahan.

Muli, ang simbahan ay nasira noong maging mainit ang labanan sa Bataan sa pagitan ng USAFFE at Japanese Army. Si Army Chaplain E. Calimbas ang nagpasimuno sa pagpapagawa ng simbahan simula noong 1945. Ipinagpatuloy ito ni Fr. S. Fernandez. Si Rev.Fr. Emiliano Santos ang nagtapos sa nasabing proyekto.

 

High School

Ang lumang Bataan High School, na inilipat sa Orani magmula sa Balanga noong 1905, ay isa lamang sa mga kontrobersyal na programa ni dating Gobernador Lorenzo Zialcita. Ito ay binuksan sa Trecenia, isang lumang gusali na ginamit pa ng mga Kastila at dating nakatirik sa ngayo’y maaliwalas at pinagandang liwasang-bayan ng Orani.

Sinasabing inilipat ang paaralan mula sa Balanga matapos makalikom ang pamahalaang bayan ng Orani ng sapat na pondo para maipagpatuloy ang operasyon nito para sa pag-aaral ng mga kabataan ng lalawigan.

Ang pagbabalik sa nasabing paaralan sa Balanga ay naisakatuparan noong 1920, sa panahon ni Gobernador Alberto Aquino ng Samal. Ngunit bago ito naisakatuparan, kamuntik pang dumanak ang dugo sa Orani matapos magprotesta ang mga tagarito sa naturang paglilipat. Dahil sa maagap ng pagdating ng mga konstabularyo ay naiwasan ang nasabing kaguluhan.

 

Lumang bahay

Ang bahay ni Buenaventura Saldaña, isang inhenyero ng Orani, ang itinuturing na pinakamatandang bahay sa nasabing bayan. Ito ay itinayo noong panahon ng mga Kastila. Ito rin ang bahay na ginamit ni Mr. Butt na naglingkod bilang provost marshall sa panahon ng mga Amerikano sa Bataan.

Hindi naglaon, ang bahay na matatagpuan sa ngayo’y Barangay Centro I ay ginamit bilang silid-aralan ng mga kabataang mag-aaral sa elementarya sa Orani, sa panahon ni Mr. Charles bilang prinsipal. Sina Pascuala de Jesus ang unang guro noon sa Grade I at si Trinidad Moreno naman para sa Grade II. Ang bahay ay ginamit din bilang pansamantalang ospital noong panahon ng Hapon. Mga sibilyan na may sakit ng malaria at dysenteriya ang ginamot dito.

 

Pantalang Luma

Ang Pantalang Luma ay isang regular na baryo sa Orani. Naging bahagi rin ito ng makulay na kasaysayan ng nasabing bayan. Noong Mayo 1898, sa Pantalang Luma lumunsad ang isang barko, ang Doña Dominga, na may lulang may 400 sundalong Kastila at mersenaryo na ipinadala sa Bataan magmula sa Pampanga.

Ang mga kasadores ay sinalubong ng may 4,000 maghihimagsik ng Orani na pawang nasasandatahan lamang ng ilang riple at rebolber, mga gulok, pana at sibat. Sila ay pinamunuan ni Mariano Medina at Faustino Garcia, mga pinuno ng rebelde sa Orani. Sa pagtatagpo ng dalawang pangkat ay maraming rebelde ang nasawi. Sinasabing 25 kariton ang ginamit para tipunin ang mga nasawing maghihimagsik. Isa sa mga napaslang na pinuno ng rebelde ay si Vicente Lopez y Luna.

Kinabukasan, nagpalabas ng utos ang mga opisyal ng pamahalaang-bayan para magbalik na sa kani-kanilang tirahan ang mga lumikas na sibilyan. Ang mga naunang sumunod sa utos ay sila ring naatasang tumipon sa mga napaslang na maghihimagsik para mailibing ang mga ito.

 

Paunawa:Bagama’t hindi na inihayag sa kuwentong ito na ang mga taga-Orani ang nagpanimula ng himagsikan sa Bataan (kung kaya’t sa kanila dapat ibigay ang karangalang matawag na “Mga Bataang Maagap), mahalagang malaman ng mambabasa na ang labanan ay unang nagsimula sa Balanga noong bandang hapon ng Mayo 28, 1898.cNakatulong pa ang mga rebeldeng taga-Balanga para mapaalis ang mga Kastilang nagkakatipon sa Orani, gayundin ang hukbo na nagmula pa sa Pampanga.

 

Kapilya ng Kabalutan

Ang lumang kapilya sa Kabalutan ay bahagi ng ginawang pakikipaglaban ng mga taga-Orani sa mga naghaharing Kastila. Sa loob ng kapilyang ito naganap ang pagiisang-dugo ng mga taga-Orani na sumapi sa Katipunan. Ang seremonya ay pinamahalaan nina “Kolonel” Mariano Medina at “Major” Faustino Garcia, mga kilalang lider ng maghihimagsik.

Ang kapilya, kung saan ay si San Roque ang patron, ay sinira ng mga Kastila matapos mapag-alaman na ito ay ginagamit sa ilegal na paraan ng mga maghihimagsik. Nagsimula ring maghigpit ang mga awtoridad kung kaya’t ang mga naninirahan dito ay nagsimulang mag-alsa balutan at nanirahan sa Balut.

 

Naghaharing-uri

Noong panahon ng mga Kastila, ang totoong namumuno sa isang bayan ay ang nakatalagang pari ng parokya. Ang susunod sa kanya ay ang administrador na katumbas ngayon ng pambayang ingat-yaman, na isa ring Kastila. Sa pagdaraan ng mga taon, ang mga Pilipino ay pinayagan na ring maging ingat-yaman.

Kabilang sa mga Pilipinong naging ingat-yaman ay sina Kapitan Luis Tongco, Simon Roberto, Feliciano Sevilla, Dionisio Tongco, Claro Sanchez at Isaac Tongco. Ang mga kabesa ng barangay ay siyang tagapangolekta ng buwis mula sa mamamayan. Nang mga panahong iyon, iyon lamang mga kalalakihan ang obligadong magbayad ng sedula sa pamahalaan. Ang mga kababaihan ay hindi pinagbabayad ng sedula, maliban na lamang doon sa naging asawa ng mga Kastila o sa mga tumatanggap ng pension mula sa pamahalaan.

 

Mga makasaysayang araw

Ang Disyembre 31, 1941 ay isang mahalagang araw para sa mga taga-Orani. Ito ang petsa kung kailan unang binomba ng mga eroplanong Hapon ang nasabing bayan. Maraming mamamayan ang nasalanta sa pangyayari. May ilang guro ang naging biktima ng pambobomba, kasama na ang buong mag-anak ng Pamilya Santa Clara.

Noong Abril 28, 1942, daan-daang sundalong Amerikano at Pilipino na pawang maysakit ang pansamantalang pinigil sa loob ng kampamento ng mga Hapon sa Baryo Parang-parang. Tumagal sila ng mahigit sa isang linggo at saka ginamot bago sila pinayagang ipagpatuloy ang paglalakad patungo sa Capas, Tarlac. Nauna rito, maraming bilanggong sundalo rin ay pinigil dito sa Orani matapos ang mahabang paglalakad magmula sa Mariveles at Bagac, patungong Tarlac. Ang kampamento ay lupaing pag-aari ng Pamilya Consunji.

Noong Setyembre 15, 1942 ay muling binuksan ang Orani Elementary School para makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga kabataan. Ito ay alinsunod sa naging pasiya ni Simeon Salonga, pansamantalang gobernador ng Bataan (1942-1945). Si G. Jose D. Forbes ang naging prinsipal ng paaralan. Sa pagbubukas ng klase, kapansin-pansin na kakaunti lamang ang mga guro at mag-aaral na pumasok sa paaralan,

Magmula Agosto 5 hanggang 9, 1944 ay sinona ng mga Hapon ang Baryo Tapulao. Ang mga pinaghihinalaang miyembro ng gerilya sa Orani ay pinagdarakip at saka pinahirapan.

Noong Setyembre 1944 ay inilipat ni Gob. Simeon Salonga ang kapitolyo sa Orani.

Noong Disyembre 4, 1944 ay tinipon ni Captain Tamora sa plasa ng Orani ang lahat ng taong lampas sa sampung taong gulang. Ang mga naiwan sa kani-kanilang bahay ay dali-daling nagsilikas patungo sa kabundukan. Nauna rito ay sinona ng mga sundalong Hapon ang Baryo Mulawin at dinakip ang lahat ng mga pinaghihinalaang gerilya. Ang mga dinakip ay pinahirapan at marami ang hindi na nakabalik sa kanilang pamilya.

Petsang Enero 5, 1945 nang bumagsak mula sa himpapawid ng Orani ang daan-daang parakayda na may kasamang bomba. Ang magkakasunod na pagsabog ay nagdulot ng matinding kapinsalaan sa mga sibilyan at mga ari-arian. Dali-daling nagsilikas ang mamamayan patungo sa aplaya.

Noong gabi ng Enero 5, 1949 ay nilusob ng mahigit sa isandaang Hukbalahap ang Orani. Maraming mamamayan ang napatay at maraming kabahayan ang sinunog. Agad namang humingi ng tulong si Mayor Silvestre Dionisio mula sa Konstabularyo

 

May karugtong….