Bagac
Caragman Point
Ang Caragman ay isang punta na matatagpuan sa pagitan ng Bagac at Morong. Ito ay wangis sa isang bulubundukin na nakatanaw sa South China Sea. May isang malinis na batis na dumadaloy sa gilid nito at nagtutuloy sa dagat. Ito ay may layong walong kilometro mula sa liwasang bayan ng Bgac.
Ang Caragman Point ay malaki ang naging kaugnayan kina Heneral Tomas Mascardo at Major Manuel L. Quezon, dalawa sa mga pangunahing pinunong militar ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa kainitan ng digmaang Pilipino laban sa Amerikano. Sa lugar na ito itinatag ni Mascardo ang punong-himpilan ng mga sundalo ng Philippine Revolutionary Army na napasuot sa Bataan matapos ang madudugong labanan sa Maynila, Bulakan at Pampanga. Sa bulubunduking ito muling nagbuo at nagsanay ng bagong hukbo ang mga Pilipino para ipagpatuloy ang pakikidigma sa mga Amerikano.
Sa lugar ding ito pinangasiwaan ni Mascardo ang kalagayan ng buong lalawigan bilang acting military governor. Bagama’t hindi lantaran ang ginawa niyang panunungkulan ay tiniyak niya na lahat ng indibidwal na itinalaga ng mga Amerikano bilang pinuno sa mga bayan-bayan ay kailangan munang humingi ng kanyang pahintulot bago maglingkod sa bayan.
Nilisan lamang ni Mascardo ang nasabing lugar matapos itong sumuko sa mga Amerikano noong 1901, ilang linggo matapos maaresto ng mga Amerikano si Pangulong Aguinaldo sa Palanan, Isabela.
Sinasabing matapos mahalal bilang senador ng Pilipinas, si Manuel L. Quezon ay naging madalas ang pagbisita sa Caragman Point para sariwain ang kanyang kabataan at pakikipaglaban para sa demokrasya.
Kahit noong maging pangulo na ng bansa ay itinuloy pa rin ni Quezon ang pagdalaw sa Caragman. Binalak pa nga niyang magtayo ng isang parke sa nasabing bulubundukin. Pansamantala itong tinawag na “Quezon Memorial Park”. Sinisimulan na ang proyekto nang bigla itong nahinto dahil nagsimula na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tuluyan nang natigil ang proyekto matapos mamatay sa sakit si Quezon sa Saranak Lake, New York noong 1944.
Ang Punong Mangga
May isang matanda at natatanging punong mangga sa Caragman Point na naging malaking bahagi ng buhay ni Manuel L. Quezon na naging isang pinuno ng hukbong Pilipino noong panahon ng mga Amerikano. Nakarating siya sa Bataan matapos talunin ng mga Amerikano ang kanyang hukbo sa Bulacan at Pampanga.
Sa ilalim ng punong matatagpuan sa Caragman Point sinasabing itinayo ni Quezon ang kanyang kubong tinuluyan habang nasa Bataan. Isa sa mga dahilan kung bakit doon natayo ang kubo ay dahil pinangarap niya na matikman ang bunga ng mangga na ayon sa mga tagaroon ay ubod nang tamis ang lasa.
Ngunit hindi na naisakatuparan ni Quezon ang kanyang pangarap matapos siyang italaga ni Mascardo bilang pinuno ng mga sundalong Pilipino na nakahimpil sa Balanga, Pilar at Orion. At noong minsang nakabalik siya sa Bagac ay wala naman sa panahon ang pamumunga ng nasabing punong mangga.
Nanatiling malapit ang loob ni Quezon sa nasabing puno. May nagsabing dito sila pansamantalang tumira ni Ana Ricardo, ang dalagang taga-Bagac na kanyang nakaisang-dibdib habang narito siya sa Bataan. Iginawa pa niya ng tula sa wikang Inglis ang puno:
THE SPREADING MANGO TREE
Under a spreading mango tree I used to sit in reverie:
Under its cool hospitality, I first learned what love can be.
I met her here whose supreme beauty, compared with goddesses above,
Underneath this spreading mango tree, Ana and I have sealed our love.
Buhay pa ang manggang ito hanggang sa kasalukuyan (1953). Ang katawan nito’y tadtad na ng mga butas gawa ng katandaan ngunit ang mga sanga nito’y nanatiling sariwa at malalabay. Tuloy pa rin sa pamumunga ang naturang puno ng mangga.
Manuel at Ana
Sa lilim ng isang punong mangga na matatagpuan sa Caragman Point, Bagac, sinasabing ikinasal si Major Manuel L. Quezon kay Ana Ricardo ng Bagac. Ang kasal ay pinagtibay ng isang hindi nakilalang huwes (juez de paz). Kabilang sa mga sumaksi sa kasal sina G. Marcelino Gutierrez at Gng. Florentina Banzon y Gutierrez, mga residente din ng Bagac. Simple lang ang ginanap na seremonya ng kasal. Naghanda rin ng kaunting pagkain para sa mga dumalo sa kasal, kasama na si Heneral Tomas Mascardo at mga sundalo.
Sandali lang nanatili sa Caragman ang mag-asawa. Bago natalaga sa Pilar si Quezon ay inilipat niya ng tirahan ang asawa sa Bagac, sa bahay ng mga magulang nito. Ang pagsasama ng dalawa ay nabiyayaan ng isang anak na lalaki na sa kasamaang-palad ay binawian ng buhay noong bata pa.
Sinasabi na tinangka ni Quezon na ipagsama sa Maynila si Ana para ito’y pag-aralin sa kolehiyo. Subalit tumanggi ang babae. Hanggang sa mapunta sa Amerika si Quezon ay nanatili sa pangangalaga ng kanyang mga magulang si Ana. Sa pagbabalik ni Quezon sa Maynila ay saka niya napag-alaman na si Ana ay nag-asawang muli. At dito na nagwakas ang pag-iibigan ng dalawa.
Walang nakaaalam kung ano ang naging tunay na kapalaran ni Ana Ricardo. Si Quezon ay nagbalik sa Maynila noong 1901; nahalal na gobernador ng Tayabas noong 1905; naging kinatawan ng kauna-unahang Philippine Assembly (1906), naging pangulo ng Senado (1923) at pangulo ng bansa (1935-1944). Napangasawa niya ang kanyang pinsan na si Aurora Aragon at nagkaroon sila ng tatlong anak na sina Maria Aurora, Zenaida at Manuel Jr.
Ang Saysain
Maraming magagandang kasaysayan ang naisulat ukol sa Baryong Saysain. Una na rito ang kuwentong dito itinayo ni Heneral Tomas Mascardo ang kanyang pangalawang kuta noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas.
Bagama’t sa Caragman Point unang naitatag ang kampo ng heneral, napili ni Mascardo na gawing sentro ng pamahalaang panlalawigan ang Saysain. Dito ay nakatulong ng heneral ang maraming taga-Saysain na nagawang huminto sa panunulisan at sinimulan ang pakikipaglaban sa pamahalaan at hukbong Amerikano. Ang pagiging mapagmahal sa bayan ang ikinatangi ng mga taga-Saysain sa iba pang mamamayan ng Bataan.
Sinasabing dito rin unang nakilala ni Major Manuel L. Quezon si Ana Ricardo na kanyang naging kasintahan at napangasawa habang nagaganap ang mga labanan sa Maynila at iba pang panig ng Luzon. Dito sinasabing ginugol ni Quezon ang isang masayang bahagi ng kanyang buhay bilang sundalo.
Sa buong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay patuloy na umunlad ang Saysain. Dito ay naitayo ang isang kapilya, paaralan at isang sementeryo dahil sa kalayuan nito sa kabayanan. Noong simulan na ang Daang Bagac-Mariveles ay nagawa rin ng Pambusco na magparating sa Saysain ng dalawang sasakyan araw-araw para magaan na marating ng mga taga-Bagac ang Balanga.
Noong panahon ng giyera laban sa mga Hapones ay nangawala ang mga tao sa Saysain. Wala silang magawa noon sapagkat ang Saysain ay naging bahagi ng ginawang pagtatanggol ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo laban sa mga Hapon. Karamihan sa mga taga-Saysain ay nagtungo sa Mariveles na siyang napiling maging evacuation area ng mga sibilyan. Nagbalikan lamang sa baryo ang mga mamamayan matapos isuko ni Heneral Edward P. King Jr. ang lahat ng kanyang sundalo sa Bataan noong Abril 9, 1942.
Noong 1945, muling nilisan ng mga tao ang Saysain matapos dumating doon ang daan-daang sundalong Hapones na hinahabol ng mga Liberation forces. Maraming bahay sa baryo ang sinunog ng mga Hapon habang nagaganap ang mga labanan. Matagal pa sila bago nakabalik sa baryo dahil matagal din ang ginawang paghahanap ng mga sundalong Amerikano sa mga natirang Japanese straggler.
Noong Marso 1945, isang kakilakilabot na labanan ang naganap sa Saysain. Isang pangkat ng mga Japanese straggler ang bumaba ng bundok na kanilang pinagtataguan at nagtangkang lipulin ang mga mamamayan sa baryo.
Nang mga sandaling iyon, ang tangi na lamang hangad ng mga taga-Saysain ay katahimikan. Agad silang nagpangkat-pangkat para labanan ang mga Hapon. Hindi na sila naghintay ng tulong mula sa mga Amerikano at sila na mismo ang humarap sa mga kalaban. Sa dulo ay nagawa nilang lipulin ang mga Hapon.
Sa kasamaang-palad, isang Tenyente Nemesio Urbina, isang matapang na gerilya, ang napaslang ng mga Hapon sa sagupaang iyon. Pumanaw siya habang ipinagtatanggol ang kanyang ari-arian at mga mahal sa buhay sa Saysain.
Simbahan ng Bagac
Ang simbahan ni Santa Catalina ng Alexandria sa Bagac ay isa sa pinakamatandang simbahan sa buong Pilipinas. Ito ay malapad at halos nilulumot na ang pader dahil sobrang niluma na ng panahon. Ang mga naglalakihang butas sa mga pader nito ay patunay ng mga pinsalang tinamo nito noong nagdaang digmaang-pandaigdig.
Ang simbahan ay itinayo sa unang bahagi ng pananakop ng mga Kastila sa bansa. Ito ay natapos sa pamamagitan ng sistema ng “polo” kung saan ang mga taong sangkot ay sapilitang pinagtrabaho ng mga Kastilang sundalo at misyonaryo. Ang lahat ng taong may maayos na pangangatawan, lalaki at babae man, ay maghapong lumahok sa paggawa nang walang kabayaran o pagkain man.
Sinuman ang hindi nakatulong sa gawain, dahil sa pagkakasakit halimbawa, ay kailangang umupa ng ibang tao para pumalit sa kanya. Kung hindi ay kailangan niyang magbayad ng pina o kaya’y makatanggap ng parusang pisikal. Ang paggawa sa simbahan ay maayos na ipinatupad sa mga sumusunod na paraan:
Sa paghahakot ng bato, lupa o buhangin mula sa dalampasigan, ang mga manggagawa ay sumali sa dalawang linya na tig-dadalawang metro ang layo bawat trabahador. Ang linya ay magmumula sa plasa ng Bagac at magtatapos sa baybay-dagat. Ang mga bato na pinulot sa dalampasigan ay pinagpasa-pasahan hanggang makarating sa plasa. Mahirap gawin ang prosesong ito ngunit lumitaw na ito ang pinaka-epektibong paraan.
Nagdanas ng katakot-takot na pinsala ang simbahan ni Santa Catalina noong World War II. Ang bubong nito ay nawasak matapos tamaan ng ilang bala ng kanyon na gamit ng mga Hapones.
Matapos ang Liberasyon, ang simbahan ay sinimulang ipaayos ni Fr. Garcia. Humingi siya ng tulong sa mga mamamayan, kasama na ang mga taga-ibang bayan. Sa pamamagitan nito ay muling naiayos ang simbahan.
Ang simbahan ay itinatanghal bilang isang pilgrimage church tuwing ipinagdiriwang ang kapistahan ni Santa Catalina. Ang mga deboto mula sa ibang bayan ay nagtutungo sa Bagac para sumali sa pagdiriwang.
Masaker sa Bagac
Nagsisimula pa lamang ang ika-labingpitong siglo (1700s) ay nagawa nang sakupin ng mga Kastila ang Bagac at ginawa itong isang malayong baryo ng Mariveles. Bata man o matanda ay walang nagawa kundi magpasa-ilalim sa kapangyarihan ng mga dayuhan. Hindi nila nagawang tumutol nang angkinin ng mga Kastila ang kanilang mga ari-arian, lalong higit ang kanilang kalayaan. Ang pananahimik ng mga taga-Bagac ay sinamantala ng mga dayuhan at naisagawa nila nang walang pagtutol ang mga buktot nilang layunin sa mamamayan.
Sa buong panahon ng pananakop ng mga dayuhan sa Bagac ay humigit-kumulang sa apatnapung sundalong Kastila at dalawang misyonaryong prayle ang natalaga sa Bagac. Ginamit nila ang kumbento at ang gusaling Tribunal bilang sentro ng kanilang kapangyarihan. Gabi’t-araw, ang matataas na pinunong Kastila ay laging binabantayan ng mga karaniwang sundalo.
Marunong magtiis ng kahirapan at pasakit ang mga taga-Bagac. Mas binigyan nila ng timbang ang kanilang pagiging matapat, mapagpakumbaba, masipag at matitising lahi. Bagama’t tago, sila man ay matatapang at matatalino din.
Nagsimulang lumantad ang pagiging matapang at matalino ng mga taga-Bagac noong lumaganap ang balitang itinatag na ni Andres Bonifacio ang samahang Katipunan sa Maynila noong 1892. Nagsimula silang maghanda para sa isang nalalapit na digmaan kung sumiklab na ang himagsikan. Handa na silang lumaban at magpakamatay, kung kailangan, para lang makamit nila ang inaasam na kalayaan.
Unang itinatag sa Bagac ang lokal na kilusan ng himagsikan noong 1895 sa pangunguna ni Jose Noriega, lehitimong taga-Bagac na pinaniniwalaang nagtataglay ng pambihirang lakas at tapang para magtanggol sa mga naaapi. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lahat ng mamamayan na may tapang, matipunong pangangatawan at talino ay nagawa niyang maging kasapi ng kilusan. Nagawa nilang magtakda ng isang petsa kung kailan nila lulusubin ang kwartel ng mga Kastila sa kanilang bayan.
Isang umaga ng Mayo 1896 (sic), isang mangangaso, dala ang kanyang aso, busog at pana ang nagtungo sa gubat. Isang usa ang kanyang nakita at kanya itong hinabol hanggang makarating sila sa may likod ng simbahan ni Santa Catalina. Doon na napatay ng mangangaso ang usa. Mabilis niyang dinala ang usa sa liwasang-bayan para doon sana ito lapain at saka ipagbili sa taumbayan. Dahil sa biglang paghugos ng mga tao sa plasa, pati ang mga sundalong Kastila ay napasama sa pag-uusyoso sa napatay na usa.
Iyon ang hinihintay na pagkakataon ng pangkat ni Jose Noriega. Dali-dali nilang pinatunog ang isang tambuli, hudyat na simulan na ang pagsalakay ng mga rebelde sa kwartel ng mga dayuhan. Ni wala isa mang Kastila ang nakapagtanggol laban sa mga rebelde. Silang lahat ay napatay. Sa kasamaang-palad, si Noriega ay nabaril din at napatay ng isang sundalo na nagpatay-patayan at nagtago sa kulumpon ng mga napatay niyang kasamahan.