Bumisita sa Pilar Municipal Police Station (MPS) ang mga mag-aaral ng Pilar Child Development Center (CDC) sa ilalim ng programang “Lakbay Bulilit” noong Pebrero 26, 2026. Layunin ng aktibidad, na bahagi ng Early Childhood Care and Development (ECCD) program, na maagang maipakilala sa mga bata ang kahalagahan ng kaligtasan, disiplina, at pakikilahok sa komunidad.
Pinangunahan ni Ma. Lourdes C. Silvano ang grupo sa pag-iikot sa istasyon kung saan ipinaliwanag ng mga pulis ang kanilang mga tungkulin at operasyon. Nagkaroon din ng talakayan tungkol sa Makabata 1383 Program na nakatuon sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata.
Binigyan ng munting token ang mga kalahok bilang pagkilala sa kanilang pakikiisa sa programa. Ayon kay Police Major Larry Valencia, hepe ng Pilar MPS, layon ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa kanilang karapatan at sa papel ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa komunidad.