Door-to-door na ang gagawing pamimigay ng regalo ni Mayor Gila ng Dinalupihan, taliwas sa nakagawiang taunang tradisyon, na may maikling programa ng mga sayawan, kantahan at pa-raffle ng mga papremyo sa iba’t ibang sektor sa kanilang bayan tulad ng mga senior citizens, kasapi ng Kabalikat, guro, kabataan, opisyal ng barangay at iba pa.
Dahil sa pandemya na nagbabawal sa mga “mass gatherings” ay minabuti ni Mayor Gila na gawing door-to-door na lamang ang pamimigay nila ng noche buena packages sa 31, 717 pamilya sa 46 na barangay.na sisimulan sa ika-18 hanggang ika-23 ng Disyembre.
Ayon kay Mayor Gila, bagama’t siya’y nalulungkot sa pangyayari ay wala siyang magawa kung kaya’t pinilit niyang dito man lang sa mga food packs na ito ay mapasaya niya ang kanyang mga kababayan.
Mami-miss niya umano ang masasayang mukha ng kanyang mga kababayan habang sumasayaw at kumakanta, at maging sila man umanong mga opisyal ay nalungkot din dahil wala na ang masasayang praktis nila ng sayaw na kanilang handog para sa kasiyahan ng mga tao sa nasabing general assembly na kasabay ng Christmas party.