SUBIC BAY FREEPORT ZONE – Posibleng maging “power generation hub of Luzon” ang Bataan peninsula sa mga susunod na taon dahil sa magandang lokasyon nito para pagtayuan ng mga power plants, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa ginanap na Power Briefing for Local Media (Power 102) sa Lighthouse Marina Resort dito kaninang umaga, sinabi ni Engr. Napoleon Viterbo, NGCP operations and maintenance District 5 (Bataan and Zambales) Head, na ang Bataan ang may pinakamaraming generating plants at sa kasalukuyang total capacity load na 8,700 MW load sa Luzon, madaragdagan pa ito dahil may panukalang magtatayo pa ng planta ng kuryente sa lalawigan na inaasahang magbibigay ng karagdagang 4,800 MW capacity.
“Malaki ito para sa isang probinsya, kaya hindi malayong maging power generation hub ang Bataan sa hinaharap,” ani pa Engr. Viterbo. Anya, ang Bataan at Zambales ay magandang lugar para sa generating plant dahil ito ay tabing-dagat at hindi daanan ng bagyo.
Binanggit naman ni Engr. Redi Allan Remoroza, pinuno ng NGCP transmission planning for Luzon, na magandang lokasyon ang Bataan peninsula para pagtayuan ng power plants. Ilan sa mga factor na ikinokonsidera para sa pagtatayo ng proyekto ay dapat na malapit sa dagat, accessibility o may sistema para sa delivery of fuels at suportado ng local government units (LGU’s) ang generation development.
Anya, sa kasalukuyan ay mayroong anim na proposed major power plant projects sa Zambales at Bataan kabilang na rito ang Masinloc Expansion (600 MW) at RP Energy (600 MW) na magbibigay ng karagdagang capacity load na 1,200 MW sa Zambales area; GN Power expansion (1,200 MW), SMC (900 MW), AG&P (2,400 MW) at KEPCO (300 MW) o kabuuang karagdagang 4,800 MW capacity sa Bataan area.
Dahil sa mga papasok na bagong planta, kinakailangang magtayo ng bagong 500 KV transmission lines ang NGCP, ang nag-iisang transmission service provider and system operator sa bansa, para ma-accommodate ang mga nabanggit na generation capacity additions.
Gayunpaman, nilinaw ni Engr. Remoroza na kailangan pa munang dumaan sa approval ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kanilang transmission line project at dapat munang tiyakin na “committed” o sigurado na ang pagpapatayo ng planta bago aprubahan ang proyekto para sa pagpapatayo ng transmission line.
Samantala, nilinaw naman ni Atty. Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng NGCP, na hindi saklaw ng NGCP ang isyu ng environmental impact ng mga itinatayong power plants kung saan ang papel ng ahensya ay ang pagsasagawa ng grid impact study ukol dito na kanilang isinusumite sa Department of Energy (DOE) at sa project proponent.
Nasa kamay umano ng DOE ang pag-apruba sa transmission development plan ng NGCP habang ang ERC ang nag-aapruba para sa actual implementation ng nasabing proyekto.