Masarap na kakanin, singkamas, pesang tilapia sa Bataan

 BALANGA City, Bataan- Kung magagawi sa Bataan, marahil masasabing hindi kumpleto ang biyahe kung hindi matitikman ang masarap na kakanin, singkamas at pesang tilapia.

Matatagpuan ang iba’t-ibang kakanin o kalamay sa Puerto Rivas sa Balanga City. Isa sa dinarayo ang kakanin ni Rowena Herrera, 54, na umano’y minana pa sa mga ninuno na nagsimula pa noong 1942 ang paggawa ng kakanin.

“Masarap,” sabi ng isang lalaking inihinto ang tricycle at kumain ng bikong munggo na halagang sampung piso ang hiwa.

Ilan sa itinitinda ni Herrera ay bikong munggo na ang mga sangkap ay bigas na malagkit, pulang munggo at asukal; lansong na gawa sa bigas na malagkit, anis at asukal na puti; bikong kanin na gawa sa bigas na malagkit, pinipig at asukal; kutsinta na ang sangkap ay karaniwang bigas at asukal na pula.

Sinabi ni Herrera na maraming namimili ng kanyang kakanin na ipinapadala pa sa ibang bansa. “Ang kakanin ko nakakarating sa ibang bansa, ang nagtitinda dito lang,” sabi nitong tumatawa.

Sa katabing bayan naman ng Pilar, naghanay ang maraming singkamas na inaani sa lupang katabi lamang ng Roman superhighway sa Alauli. Lumilitaw ang mga singkamas kapag Marso hanggang Abril.

Ang isang tali ng malalaking singkamas ay P80.

Kapag naligo naman o namasyal sa Villa Amanda Resort, tabi ng MacArthur Highway sa Capitangan, Abucay, Bataan, hindi makukumpleto ang araw kung hindi matitikman ang pesang tilapia ni Aling Baby at Aling Amanda.

“Dinarayo sa amin ang iba’t-ibang luto ng tilapia lalo na ang pesa. Meron din kaming pinaputok at inihaw na tilapia,” sabi ng kusinera. Tiyak na sariwa umano ang isda dahil may sariling palaisdaan ang resort.