Idineklara ni Mayor Jon Arizapa ang ika-13 ng Oktubre 2025 bilang isang special non-working holiday sa pamamagitan ng Executive Order No. 13 series of 2025. Ang nasabing hakbang ay kaugnay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Virgen Milagrosa de Orani o Nuestra Señora del Rosario de Orani.
Ayon sa Alkalde, ang deklarasyon ay naglalayong masiguro ang maayos at mataimtim na pagdiriwang ng taunang kapistahan na isa sa pinakamahalagang tradisyon ng bayan. Inaasahan ding dadagsa ang mga deboto mula sa iba’t ibang lugar upang makiisa sa mga gawain.
Hinikayat din ni Mayor Arizapa ang mga taga Orani na makilahok sa mga programa para sa kapistahan bilang pagpapakita ng pananampalataya at pagkakaisa. Ang Kapistahan ng Virgen Milagrosa de Orani ay patuloy na nagbibigay ng pagkakakilanlan at inspirasyon sa mga mamamayan ng nasabing bayan.