Tumanggap ng bagong patient transport vehicle ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa ginanap na turnover ceremony sa punong tanggapan ng ahensya sa Pasay City kamakailan.
Personal na ipinagkaloob ni PAGCOR President at Chief Operations Officer Atty. Wilma T. Eisma ang sasakyan kay SBMA Public Health and Safety Department Medical Services Division OIC Dr. Arlene Gravina-Cesa para magamit sa paglilipat ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang transportasyon.
Nagpasalamat naman si SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño sa PAGCOR at kay Chairman Alejandro H. Tengco dahil malaking tulong umano ang bagong sasakyan upang mapalakas ang serbisyong medikal sa loob ng Subic Bay Freeport, lalo na sa ligtas na paglilipat ng mga clinically stable na pasyente.
Ayon kay Tengco, bahagi ang donasyon nang mas malawak na programa ng PAGCOR upang mapalawak ang access sa pangunahing serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang komunidad sa bansa. Bukod sa SBMA, nakatanggap din ng patient transport vehicles ang MMDA, Bureau of Corrections, at ilang lokal na pamahalaan kabilang ang Manay, Davao; Narra, Palawan; at Dumaguete.