Dahil sa impluwensya ng kapaligiran at social media sa mga kabataan na karaniwang dahilan ng pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy, nagpulong ang Municipal Council for the Protection of Children ng bayan Mariveles sa pangunguna ni Municipal Consultant for Children’s Affairs, Roselle Fernandez.
Tinalakay sa nasabing pulong ang iba’t-ibang proteksyon, pagkalinga at karapatan ng bata, at higit na binigyang-pansin ang lumalalang isyu ng teenage pregnancy kung kaya’t nagkaisa sila na lalo pang palakasin at paigtingin ang kanilang kampanya kontra teenage pregnancy.
Ibinahagi ni Konsehala Susan M. Murillo, SB Committee on Women and Children’s Welfare, ang mga bagong ordenansa para sa proteksyon ng mga menor de edad sa bawat barangay gayundin ang child- friendly local governance audit (CFLGA) at iba pang ordenansa na susuporta dito.
Isa sa kaagad na aksyon ng Municipal Council for the protection of Children ay ang seminar sa mga mag aaral ng Mariveles National High School-Poblacion kasama ang youth alliance kung saan naging guest speaker si Ms Daryl Leyesa na nagbigay ng kaalaman at kamalayan sa mga kabataan partikular na sa kababaihang kabataan para maiwasan at mapababa ang bilang ng inssidente ng teenage pregnancy.
Sinabi naman ni Mayor AJ Concepcion na higit pang pagsusumikapan ng kanyang administrasyon na mabigyang ng proteksyon ang ating mga kabataan at kababaihan.