Dinalupihan
Ang bayan ng Dinalupihan ay matatagpuan sa pinakahilagang bahagi ng Bataan, napapagitnaan ng Lubao, Pampanga sa hilaga, ng Zambales sa kanluran at ng bayan ng Hermosa sa gawing silangan at timog. Ito ay mararating mula sa Maynila sa pamamagitan ng Gapan-Olongapo Road at ng San Jose-Floridablanca Road. Ito ay may layong 42 kilometro mula sa San Fernando, Pampanga, at 24 na kilometro mula sa Lungsod ng Balanga.
Ang Dinalupihan ay may sukat na 9,252.73 ektarya na hinati-hati sa 46 na barangay, ang pinakamaraming bilang sa lahat ng bayan sa Bataan. Magkaga-yonman, ito lamang ang bayan na walang sariling baybayin. Ang dami ng populasyon sa Dinalupihan ay natala sa 11,000 noong 1946. Ito ay lumaki sa mga sumunod na taon at umabot na sa 97,275 noong 2010, pangalawa sa dami ng mamamayan sa kalipunan ng 11 bayan sa Bataan.
Bilang isang agricultural town, ang mga pangunahing produkto dito ay palay, tubo, sari-saring gulay, naglalakihang manukan at babuyan. Dahil sa istratehikong lokasyon ng bayan, ito ay matatawag na nasa crossroad ng Zambales, Pampanga at Bataan. Ito ang nagsisilbi ngayong sentro ng komersyo at kalakalan ng tatlong lalawigan. Dito rin matatagpuan ang tanggapan ng Department of Agrarian Reform(DAR), National Irrigation Administration (NIA), Quedancor, Pag-ibig Fund at ng Government Service Insurance System na naglilingkod sa mga mamamayan ng Bataan at Zambales. May mga outlets din ng Jollibee, Mc Donald’s, Chowking, Mang Inasal at iba pa sa bayang ito na isang indikasyon ng pagiging maunlad at progresibo nito.
Dating baryo
Ang Dinalupihan ay nagsimula bilang isang malayong baryo ng bayan ng Hermosa. Naitatag ito bilang isang regular na bayan noong 1865, o makalipas ang 25 taon matapos itayo ng mga paring Sekular ang isang maliit na kapilya sa isang puwesto sa tinatawag ngayong Barangay Poblacion. Si Don Pedro Bernal ng Secular Clergy ang unang misyonaryo na natalaga sa kapilya na pinatnubayan ni San Juan de Bautista, ang patron ng Dinalupihan. Nagsimulang lumaki ang bayan magmula sa dadalawang lansangan nito – ang Burgos Street at Zamora Street. Ikalawa lamang ang Dinalupihan sa mga bayang naitatag ng mga paring Sekular sa Bataan. Ang una ay ang Pilar na itinatag ni Don Damaso Lintag noong 1801.
Noong 1858 ay pinasimulan ni Don Victoriano Chevarria ng Secular Clergy ang pormal na pagtatatag sa bayan ng Dinalupihan. Nakatuwang niya sa nasabing gawain si Alberto Penaflor, isang mayamang asyendero sa Dinalupihan. Makalipas ang siyam na taon (1865) ay natupad din ang pangarap ng dalawa nang maging pang-10 bayan ng Bataan ang Dinalupihan.
Dinalupihan Estate
Sa panahon ng Amerikano sa Pilipinas, ang malaking bahagi ng Dinalupihan ay nanatiling pag-aari ng Diyoses ng Maynila. Pati ang malawak na asyenda (4,500 ektarya) sa Tucop at Pagalanggang ay pag-aari pa rin ng tinawag na Dinalupihan Estate. At bagama’t patuloy na ginagamit ito bilang plantasyon ng tubo, ang nasabing lugar ay patuloy namang naging kaaba-aba ang kalagayan. Nagtataasan ang mga damo sa paligid at mistula na itong isang malawak na talahiban. Sa paglipas ng panahon, ang Dinalupihan Estate ay hinati-hati at pinarentahan sa mga tao. Subalit hindi iyon naging sapat para mapigilan ng Diyoses ng Maynila ang galit at pag-aaklas ng taumbayan na ang tanging hangad ay mapakinabangan nang husto ang malawak ngunit walang silbing kapatagan. Nakialam na ang gobyerno at noong Pebrero 24, 1974, at binili ng Philippine Government ang buong lugar at ipinamahagi sa mga tunay na nananahan sa Dinalupihan.
Pinag-isa
Sa kasaysayan ng Dinalupihan ay dalawang ulit na itong ibinalik sa pagiging malayong baryo ng Hermosa. Ang unang pangyayari ay noong 1903 na umabot hanggang 1909. Nagkaroon kasi ng malaking sunog sa Dinalupihan at nag-alisan ang maraming taong naninirahan dito. Ang ikalawang insidente ng sunog ay naganap naman noong 1914 nang ang Hermosa naman ang dinatnan ng malaking kalamidad. Nalalos ang halos lahat ng mga bahay sa kabayanan ng Hermosa. Sa pagkakataong ito, ang Dinalupihan at Hermosa ay ipinailalim sa pamamahala ng iisang alkalde, si Tomas Sobrevinas.
Tubig-baha
Ang Dinalupihan ay tinatawag na isang catch-basin o flood-prone area. Sa munting buhos ng ulan ay nalulubog agad ang nasabing bayan sa tubig-baha. Mabababaw kasi ang mga ilog dito. Mabababa din ang elebasyon ng mga barangay tulad ng Daang Bago, Layac, Sta. Isabel, Mabini Extension, Pentor, San Isidro, San Ramon, Luacan at Saguing. Noong Hulyo 25, 2013, ang mga naturang barangay ay nalubog muli sa tubig-baha matapos na isang bahagi ng Pentor River Control Dike ang nasira. Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng Dinalupihan bilang isang potential investment haven sa buong rehiyon. Lumilitaw kasi na ang nasabing bayan ay angkop-na-angkop para maging isang agro-industrial site. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang suliraning ito ay nabigyan na ng mga solusyon sa pamamagitan ng mga flood control projects gaya ng dredging ng mga ilog, pagtatayo at pagpapatibay ng mga dike gayun din ang pagaayos ng mga daan.
Pasilidad
Kumpleto ang Dinalupihan sa iba’t ibang pasilidad tulad ng telephone service at malalakas din ang mga signal site para sa mga cellular phones tulad ng Smart, Globe at Sun Cellular. Ang kuryente sa buong bayan ay ipinararating sa mga kabahayan ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO). Ang Dinalupihan ay may walong pribado at pampublikong banko; 27 paaralang pang-elementarya; 10 pribadong paaralan; tatlong high school; isang sangay ng Bataan Peninsula State University, University of Nueva Caceres, Subic Montessori College, sangay ng Eastwoods College; tatlong hospital/health facilities; apat na recreation facility, isang modernong pamilihang bayan at isang transport terminal.
Mga Pinunong Naglingkod sa Dinalupihan (1901-2016)
Simbahan ni San Juan Bautista sa Dinalupihan