Part 4

Alamat ng Dinalupihan

Paano nga ba tinawag na “Dinalupihan” ang Dinalupihan? Sa librong “History of Bataan Province”(1953) na inilathala ni G. Victor de Leon, dating schools superintendent ng Bataan, ay binanggit na kaya tinawag ang Dinalupihan sa gayong pangalan ay dahil hinango ito sa salitang “dinaluhan” (na ang kahulugan sa Inglis ay “place visited”).

Sa kuwento, may mga piratang Moro na umano’y nanggaling pa mula sa mga baybayin ng Pampanga at Zambales ang madalas “sumalakay” sa Dinalupihan at sa iba pang panig ng Bataan noong sinaunang panahon. Dahil dito, madalas magtago o magkanlong sa mga kalapit na kabundukan ang mga mamamayan ng nasabing bayan para makaiwas sa kapahamakan.

 

Isa pang Alamat

Sa aklat na “Balik-Tanaw” (1989) na binuo ni G. Maurcio Q. Pizarro, dati ring schools superintendent ng Bataan, ay nagkaroon ng pagtatangka na baguhin ang Alamat na tinuran ni G. Victor de Leon. Sa halip na “dinaluhan,” iginiit ng mga gumawa ng Balik-Tanaw na ang Dinalupihan ay nag-ugat umano sa salitang “di nalupigan” (o “unconquered” sa wikang Inglis). Parang ipinahiwatig ng mga taga-DECS sa tao na talagang nagkaroon ng pagtatangka ang mga dayuhan, kaaway o piratang Moro, na sakupin ang Dinalupihan at gawin ang mga mamamayan nito bilang alipin. Lamang ay hindi napagtagumpayan ng mga pirata ang masama nilang tangka. Maraming naniwala sa huling Alamat na inilathala ng mga taga-DECS. Katunayan, ang Lions Club sa Dinalupihan ay pinangalanang “Dimalupig Lions Club of Dinalupihan.”

 

Panibagong Alamat

Sa aklat na “Bataan – Land of Valor, People of Peace” (1997) ni Rev. Fr. Wilfredo C. Paguio, binanggit dito na ang Dinalupihan ay nag-ugat sa mga salitang “dulo” (“end” sa Inglis) at “alupihan,” insektong kung tawagin sa Inglis ay “centipede.” Malinaw na pati si Fr. Paguio ay may tangka ring “ituwid” ang kasaysayan ng Dinalupihan, batay sa kanyang pag-unawa.


Simula ng Dinalupihan

Ang mababasang bersyon sa ibaba ay hindi isang Alamat o Kuwentong Bayan. Bagkus, ito ang tunay na Simula ng Dinalupihan, batay sa isang lumang aklat na nauugnay sa dating malawak na Friar Lands sa Dinalupihan. Isang Amerikanong awtor na siyang sumulat ng nasabing lumang aklat ang unang tumawag sa Dinalupihan bilang “Empty Lands.” Sa wikang Pilipino, ang “Empty Lands” ay kasinghulugan ng salitang “Lupaing Walang Kuwenta “ o “Lupaing Walang Silbi.”


Walang Silbi

Sa matiyagang pananaliksik ng Dazenroches Press para tuklasin kung bakit “Empty Lands” ang tawag sa Dinalupihan, lumitaw na ang salitang Dinalupihan ay hinango sa tatlong salitang Kastilang: “din,”“a,” at “lupia.” Ang DIN ay salitang Kastila na ang katumbas sa Tagalog ay “malaking pera”; ang A ay katumbas naman ng salitang “naging”; at ang LUPIA, kapag isinalin sa Tagalog, ay “barya” ang ibig sabihin. Kapag pinagkabit-kabit ang DIN, A, at LUPIA, ang buong kahulugan nito ay “malaking pera na naging barya.” Kung isasalin sa salitang Inglis, ito ay halos katumbas ng mga salitang “Empty Lands.”Sa wikang Tagalog, ito ay “Lupaing Walang Silbi.”


Lumang kasaysayan

Sa kasalukuyang panahon, ang Dinalupihan ay isang first class municipality katulad ng Mariveles, Balanga City, Hermosa at Limay. Ito ay naganap kahit pa wala namang malalaking industriya, gaya ng economic zone at oil refinery. Kabaliktaran ng present Dinalupihan ang old Dinalupihan, circa 1800s. Noon, napakahirap ng nasabing bayan kahit ito ay binubuo ng malalawak na lupain na pawang pag-aari ng mga paring Dominikano. Mga dokumentong Dominican Order (o Dominikano) mismo ang nagpapatunay na ang malaking bahagi ng Dinalupihan noon ay pag-aari ng Archdiocese of Manila.

Nakatala sa mga dokumento na simula noong 1756, ang Dinalupihan ay isa lamang malayong baryo (o sakop) ng bayan ng Hermosa. Lahat ng paring Dominikano na natalagang kura-paroko sa simbahan ng San Pedro de Martir sa Hermosa ay natutong “manghingi ng abuloy” ng mga lupain na pag-aari ng mayayamang taga-Hermosa at Orani.

Noong panahong iyon, hindi lamang ginto at pera ang puwedeng iabuloy ng mga tao sa Simbahan. Mas maganda at mapapakinabangan kung lupain ang iaabuloy. At hindi lamang sa Hermosa at Orani ito naganap. Maging sa Balanga, Bagac at iba pang bayan sa Bataan ay meron ding mga lupain na “iniabuloy” at naging pag-aari ng Arsobispo ng Maynila hanggang sa kasalukuyan.)

Sa paniniwalang madali silang makararating sa langit, ay naging mabait at mapagbigay sa Simbahan ang mga tao. Kanya-kanya at kung minsan ay nag-uunahan pa silang nag-abuloy ng mga lupain na matatagpuan sa Hermosa, kasama na yaong mga nasa Dinalupihan na mga bayawak, uwak at pipit lamang ang naninirahan. Sa madaling sabi, mga lupain sa Dinalupihan ang naging paboritong iabuloy ng mga tao sa Simbahan. Katwiran nila’y hindi naman nila naaasikaso nang husto ang mga lupain dahil sa kalayuan ng Dinalupihan mula sa Hermosa at Orani. Ang mga lupain sa Dinalupihan na iniabuloy ng mga tao ay naging pag-aari ng Arsobispo ng Maynila.


Walang pakinabang

Magmula noong 1768 hanggang 1863 ay hindi naman napakinabangan ng Arsobispo ng Maynila ang mga lupain nila sa Dinalupihan. Ang isa sa mga dahilan ay biglang “napaalis” sa Bataan ang mga paring Dominikano simula noong 1770. Sila ay pinalitan ng mga paring Pilipino na kaanib ng tinatawag na Secular Clergy. (Kung maaalala, dito kaanib sina Padre Jose Burgos, Gomez at Zamora.) Tumagal ang pamamahala ng mga paring Sekular sa Bataan sa loob ng may 70 taon. Sa panahong ito ay nagsimulang tawagin ng Arsobispo ng Maynila ang wala pang pangalang bayan ng Dinalupihan bilang “Lupaing Walang Silbi” o “Empty Lands.”


Hacienda Dinalupia

Noong 1817, tinangka ni Arsobispo Juan Antonio Zulaibar ng Maynila na pakinabangan ang nakabuyangyang na Dinalupihan Friar Lands na noo’y sakop pa rin ng Hermosa (dahil wala pa noong naitatatag na bayan ng Dinalupihan). Ang ngayo’y kilala natin bilang Barangay Tucop at Barangay Pagalanggang, dalawang magkadikit na barangay sa Dinalupihan, ay naisipan ni Arsobispo Zulaibar na gawin bilang isang asyenda na tatamnan ng palay, tubo at mga gulay. Tinawag niya itong “Hacienda Dinalupia” o “Empty Lands Ranch.”

Nanghingi pa si Arsobispo Zulaibar ng abuloy na pera, palay at bigas mula sa mayayamang negosyante at mamamayan ng Maynila para magamit ang malilikom niyang pondo sa paglilinang ng Friar Lands sa Dinalupihan. Ang pera ay ipinadala niya sa isang kapatas (manager) na nakalataga sa Dinalupihan para gamitin sa pagbungkal sa lupain at pangsuweldo sa mga inquilino (farm workers) na tinipon mula sa Pampanga at ibang bayan sa Bataan. Ang palay at bigas ay ipinadala rin ng Arsobispo sa Pagalanggang para gamiting punla at pagkain ng mga manggagawa na nagtanim ng palay, mga gulay at tubo sa nasabing asyenda sa loob ng tatlong taon.

Ang balak noon ni Arsobispo Zulaibar ay gamitin ang anumang kikitain mula sa asyenda bilang panustos sa pagpapatakbo ng San Carlos Seminary na nasa Guadalupe, Makati. Sa loob ng tatlong taon ay nagpapalit-palit ang mga kapatas sa asyendang itinatag ni Zulaibar. Pero sa dulo ay walang kinita ang asyenda. Lumitaw na ginastos o ibinulsa lamang ng mga naging kapatas ang pondong nalikom ni Zulaibar. Ang masama pa, ang mga inquilino ay hindi halos napasuweldo, at sumulweldo man ay kulang din.

Ang maraming manggagawa, sa matinding galit, ay tumakas na lamang. Ang iba ay ninakaw ang ani ng mga bukirin. Wala talagang manggagawa na magtatrabaho sa nasabing asyenda ng walang suweldo o kulang ang sinusuweldo. At dahil madalas ay kapos sa pataba ang mga pananim, o dahil hindi inasikaso ng mga manggagawa ang bukirin, tumubo man ang mga palay at tubo ay bansot naman palagi ang naging bunga. Sa inis ni Arsobispo Zulaibar, isinara pa lamang niya ang asyenda pagkalipas ng tatlong taon. Sabihin pa, naging pastulan na lamang ng mga hayop ang Tucop at Pagalanggang sa mahabang panahon.


Bagong bayan

Taong 1865 ay naiproklama ang Dinalupihan bilang isang regular na munisipyo sa pamamagitan ng mga paring Sekular, hindi ng mga Dominikano. Mga Sekular ang nagtatag ng nasabing bayan kung kaya’t hindi na nila ito iniwan kahit nakabalik na ang mga Dominikano sa Bataan noong 1830.

Noong 1915, pagkalipas ng kulang-kulang 100 taon, ay saka pa lamang nagsimulang umangat ang kalagayang pang-ekonomiya ng Dinalupihan. Pero hindi na binago ang pangalan nito na “Lupaing Walang Silbi.” Sa katagalan, ang “Din-a-lupia” (Empty Lands) ay naging Dinalupihan.