Hermosa
Ang Hermosa ay isa sa mga bagong first-class municipalities sa Bataan. Ito ay natatag bilang isang pormal na bayan noong Mayo 8, 1756. Nagsimula ito bilang isang mahirap na pamayanan at noon lamang 2005 nang makarating ito sa pinakamataas na pamantayan ng pagiging isang maunlad na bayan.
Ang Hermosa ay may 105 kilometro ang layo mula sa Maynila. Napapagitnaan ito ng mga bayan ng Dinalupihan sa hilaga at ng Orani sa gawing katimugan. Ito ay may sukat na 15.730 ektarya at binubuo ng 23 barangay na kinabibilangan ng A. Rivera, Almacen, Bacong, Balsik, Bamban, Burgos-Soliman, Cataning, Culis, Daungan, JRC Mandama, Mabiga, Mabuco, Maite, Mambog, Palihan, Pandatung, Pulo, Saba, San Pedro, Sacrifice Valley, Sto. Cristo, Sumalo at Tipo. Ang Barangay A. Rivera ang pinakasentro ng bayan dahil narito ang munisipyo.
Nasa Santo Cristo naman ang unang pamilihang-bayan. May isa pang palengke na itinayo sa Barangay Palihan noong 2009. Sa Culis at Palihan ay itinatag ang Subic-Hermosa Cyber City at ang Hermosa Economic Industrial Zone. Umaasa ang pamahalaang bayan ng bagong kaunlaran sa tulong ng dalawang special zones na itinayo sa nasabing bayan. Inaasahan din na ang mga Barangay Palihan, Culis, Pandatung at Bacong ang mga susunod na tatanghaling bagong growth center sa Hermosa dahil nagdaan dito ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na ginastusan ng bilyong piso ng pamahalaang nasyonal.
Ang populasyon ng Hermosa ay natala sa 56,997 noong 2010, mas mataas sa 47,030 na natala noong 2003. Higit na nakararami ang mga residente sa mga barangay ng Balsik, Culis at Palihan kung populasyon ang pag-uusapan.
Sa Hermosa nagmula sina Gobernador Guilerrmo Arcenas (1968-1971) at si Marcelo Arellano, ang huling Pilipinong rebelde na sumuko sa hukbong Amerikano noong 1904.
Lumang Hermosa
Unang nakilala ang Hermosa noong panahon ng mga Kastila bilang isang malayong baryo ng bayan ng Orani. Nagsarili ito bilang isang malayang bayan noong 1756, o dalawang taon makalipas na maitatag ang Bataan bilang isang lalawigang hiwalay sa Pampanga. Matapos maitatag bilang isang bayan, ang unang pangalang ibininyag dito ay “Pueblo del San Pedro de Martir,” na hango sa pangalan ng mahal na patron ng nasabing bayan. Mahalaga ring tandaan na noong itatag ang Hermosa bilang isang regular na bayan ay nasakop din nito ang Dinalupihan na unang naturingan bilang isang malayong baryo ng Orani.
Noong 1762, lahat ng paring Dominikano sa Maynila ay nagkaisang magtago sa Bataan matapos lusubin at sakupin ng mga Ingles (British) ang Kamaynilaan. Pansamantala silang tumigil sa Orani, ang noo’y kinikilalang punong-himpilan ng lahat ng paring Dominikano sa Bataan. Hindi nagtagal ay nagsimula na ang mga Ingles na manakop ng mga karatig-bayan na nakapalibot sa Maynila. Katunayan, isang pangkat ng mga Ingles ang nakarating sa Orion ngunit sila’y natalo sa pakikipaglaban sa mga katutubo sa dakong iyon ng lalawigan.
Sa pag-aalala ng mga Dominikano na masundan sila ng mga Ingles sa Orani ay dali-dali silang lumipat ng lugar at nagtago sa Hermosa na kanila namang ginawang pansamantalang punong-himpilan.
Sa isang pagpupulong ng mga pari at madreng Dominikano sa Hermosa noong magtatapos ang taong 1762 ay napagpasiyahan nilang baguhin ang pangalan ng “Pueblo del San Pedro de Martir.” Ang gusto nila ay isang bago, mas maganda at madaling tandaang pangalan, at dito isinilang ang pangalang Llana Hermosa, na angkop lamang sa kagandahan ng paligid ng nasabing bayan. Dito na nagsimulang lumaki at umunlad ang Hermosa bilang isang bayan kahit pa nagbalik na sa Orani ang mga Dominikano pagkatapos ng British-Spanish War.
Paring secular
Noong Hunyo 28, 1768 ay pinatalsik sa Bataan ang mga paring Pransiskano, Augustino at Dominikano sa utos ng noo’y nanunungkulang Gobernador-Heneral at ni Arsobispo Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina (1767-1787). Ang pumalit sa mga misyonaryong Kastila ay mga paring Sekular (na kinabibilangan nina Padre Gomez, Burgos at Zamora, mga paring martir na tinawag na Gomburza).
Sa loob ng sumunod na 70 taon, nagpasiya ang mga paring Sekular na huwag nang baguhin ang pangalang Hermosa. Nakapagtatag din sila ng dalawa pang bagong bayan sa Bataan — ang Pilar (1801) at Dinalupihan (1865). Nakabalik lamang sa Bataan ang mga Dominikano noong Oktubre 5, 1830. Pinalitan nila agad ang mga paring Sekular sa mga bayan-bayan. Bukod-tangi ang Dinalupihan na nanatili sa pamamahala ng mga Sekular.
Mayamang bayan
Ang Hermosa, noong hindi pa ito tinatawag na Hermosa, ay isa nang kilalang lugar bago pa naitatag ang Orani bilang isang bayan. Nagsisimula pa lamang ang malayang kalakalan sa Bataan ay natanyag na ang Almacen (isang matandang baryo sa Hermosa) bilang isang pantalan na dinarayo ng mga mangangalakal na Intsik, Hapones at iba pang negosyanteng nakabase sa Maynila. Sa Almacen din unang nagkatipon at nanirahan ang maraming taga-Pampanga at Bataan para magnegosyo.
Ang Almacen noon ay kawangis ng Hagonoy (Bulakan), Guagua, Lubao (Pampanga) at Cavite Puerto (ngayo’y Sangley Point sa Cavite) na dinarayo ng mga mangangalakal. Bale ba, ang Almacen ang sinaunang “gateway” o landas para makarating ang mga produktong nagmula sa Maynila patungo sa Subic at Olongapo, pati na sa Bataan. Sa Almacen unang ibinababa ng mga kasko at barko ang mga produktong kailangan ng mga mamamayan ng lalawigan. Kahit nabuksan na ang mga pantalan sa Orani at Balanga ay nagpatuloy pa rin ang Almacen sa pagiging isang sentro ng kalakalan sa Bataan at mga karatig-lalawigan. Bukod sa pagiging isang lumang puerto ay naging pagawaan din ito ng mga bangka, kasko, barkong-pangalakal at maging sasakyang-pandigma.