Kinilala ang bayan ng Pilar bilang isa sa Regional TOP Performers sa Fisheries Compliance Audit sa ginanap na seremonya sa Royce Hotel, Clark noong ika-8 ng Oktubre na may temang, “Pagpupugay sa mga Natatanging Pamahalaang lokal na kaagapay sa Kalinisan at Kapayapaan” (PAGMAYA).
Ayon kay Mayor Charlie Pizarro, ang parangal ay patunay nang tapat at masigasig na pagsisikap ng Pamahalaang Bayan ng Pilar na pangalagaan ang ating mga yamang- dagat, panatilihin ang kalinisan sa mga dalampasigan at pagpapatupad ng mga patakarang nagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa sektor ng pangingisda.
Dagdag pa niya, ang nasabing parangal ay hindi lamang tagumpay ng mga opisyal kundi tagumpay ng buong komunidad na patuloy na nakikibahagi sa pangangalaga sa kalikasan at likas-yaman ng kanilang bayan.
Tinanggap nina Vice Mayor Ces Garcia, Ms. Ann Hipolito ng DILG at Ms. Maria Cecilia Ramos ng Municipal Agriculture Office ang nasabing pagkilala.