LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Sinisimulan na ng pamahalaang panlalawigan ang paggawa ng mga alternatibong daan para maibsan ang pagbubuhol ng trapiko lalo na sa umaga at dapit hapon sa kahabaan ng Capitol Road sa lungsod na ito.
Ayon kay Provincial Engineer Enrico Yuson, bago simulan ang pagtatayo ng Bataan Government Center and Business Hub, uunahin munang gawin ang mga lansangan para hindi magkabuhul-buhol ang mga sasakyan papasok at papalabas ng kapitolyo.
Sinabi pa ni Engr. Yuson na uunahing gumawa ng daan sa may likod ng Peoples Center papuntang San Jose Builders, pakanan diretso sa Roman Expressway at isa pang kalsada tagos ng Barrio Intsik pakanan lalagos din sa Expressway.
Plano ring buksan ang kalsada sa may gusali ng DepEd tagos sa compound ng Camp Tolentino hanggang sa may Jollibee, para makatulong sa mga motorista na dadaan sa Expressway. Idinagdag pa ni Yuson na gagawing walong (8) metro ang lapad ng daan.
Kasabay nito ang flood control projects dahil sa rapid development ng lalawigan kailangan umano na maisaayos din ang mga kanal sa kahabaan ng Capitol Road sa may 7/11 patungo sa Bataan General Hospital na idadaan sa Tenejero Creek tagos ng Ibayo hanggang sa Sibacan River tungo sa Manila Bay.
Kasama ng Provincial Engineers Office ang City Engineers Office sa pagpaplano hinggil sa mga kanal at daan na gagawin sa loob ng Lungsod.