Pinaalalahanan ni Bataan 1st District Representative Antonino B. Roman III ang mga kawani ng House of Representatives na ang tapat at may integridad na paglilingkod ay may mahalagang papel sa paghubog ng mas maayos na buhay para sa mga Pilipino. Ito ang kanyang mensahe bilang panauhing tagapagsalita sa flag ceremony ng Kamara na ginanap noong Lunes ng umaga.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng neophyte solon na ang pagiging lingkod-bayan ay hindi lamang isang trabaho kundi isang pribilehiyo upang makapagbigay ng tunay na tulong sa kapwa. Ayon kay Roman, nagiging mas makabuluhan ang buhay kapag inuuna ang kapakanan ng iba at isinasabuhay ang katapatan sa serbisyo.
Pinangunahan ang aktibidad ng House of Representatives sa pamumuno ni Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil, kasama ang mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng Kamara na dumalo sa seremonya.
Ang flag ceremony ay ini-host ng Finance Department na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Angelo Villanueva, bilang bahagi ng mga inisyatibo ng 20th Congress na nagtataguyod ng makatao at matapat na paglilingkod sa publiko.