Roman, nagtulak ng dalawang panukalang batas para sa magsasaka at mangingisda

Roman, nagtulak ng dalawang panukalang batas para sa magsasaka at mangingisda

Inaprubahan ng dalawang komite ng Kamara ang magkasunod na panukalang batas na isinulong ni Bataan First District Rep. Tony Roman III, na layong palakasin ang sektor ng agrikultura at pangingisda. Una nang lumusot sa Committee on Economic Affairs ang Blue Economy Act, kasunod ang pag-apruba ng Committee on Agriculture and Food sa House Bill 608 o Farmer Cooperation and Empowerment Act.

Sa panukalang Farmer Cooperation and Empowerment Act, ilalatag ang pagbuo ng mga farm-cluster na bubuuin mula sa magkakatabing lupang-sakahan na nagtatanim ng iisang pananim. Sa loob ng mga cluster na ito itatayo ang Multi-Purpose Farmer Coopetition Hubs para sa drying, milling, storage, processing, at training—mga pasilidad na inaasahang magpapababa sa gastos ng produksyon at magpapataas ng kita ng mga magsasaka. Pinalalakas din ng panukala ang koordinasyon ng DA, DTI, TESDA, CDA, LGUs, at DepDev upang mas mabilis maipaabot ang suporta at teknolohiya sa mga benepisyaryo.

Samantala, itinutulak naman ng Blue Economy Act ang modernisasyon at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga mangingisda at coastal MSMEs. Kabilang dito ang Blue Economy Skills training, pagpapahusay ng value chain, mas malinaw na national planning, at mas diretsong access sa Blue Finance upang matiyak ang mas matatag na kabuhayan sa mga baybaying komunidad. Binibigyang-diin din ng panukala ang kahalagahan ng traditional ecological knowledge bilang bahagi ng pagpaplano sa sektor.

Ipinunto ni Roman na mahalagang maisulong ang dalawang batas na sabay na tutugon sa pangangailangan ng mga pangunahing sektor ng lalawigan. Aniya, ang patuloy na reporma at modernisasyon sa agrikultura at pangingisda ay susi upang mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, na matagal nang nagsisilbing gulugod ng ekonomiya ng Bataan.

Leave a comment