Nagkaisa ang San Miguel at technology firm na iWave, mga kumpanyang rehistrado at matatagpuan sa Freeport Area of Bataan (FAB), upang mapahusay ang karanasan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Pormal na inilunsad ng dalawang kumpanya ang biometric e-gate service sa NAIA Terminal 3 sa isang seremonyang dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dumalo rin sa pagluunsad sina AFAB Administrator at CEO Hussein Pangandaman, Office of the Administrator Group Head Atty. Percival Peralta, at Chief of Staff Bing Kimpo bilang suporta ng AFAB sa mga locators nito. Ayon sa pamunuan ng AFAB, mahalaga ang inisyatibang ito sa pagsusulong ng makabagong teknolohiya na magpapabilis at magpapahusay sa serbisyo sa mga paliparan.
Sa ilalim ng kasunduan, ang New NAIA Infra Corporation (NNIC), isang consortium na pinamumunuan ng San Miguel Holdings, at ang iWave na katuwang ang travel technology company na Amadeus, ay magsasagawa ng phased roll-out ng e-gate system. Ang sistema ay gumagamit ng passport scanning at facial recognition na inaasahang magpapababa ng oras ng proseso sa imigrasyon sa humigit-kumulang 20 segundo.
Ayon kay Pangandaman, pinagtitibay ng proyektong ito ang ugnayan ng San Miguel, iWave, at AFAB bilang bahagi ng tinatawag na “FAB Family.” Tiniyak din niya na patuloy na susuportahan ng AFAB ang mga inisyatibang nagtataguyod ng inobasyon at episyenteng serbisyo na may malinaw na pakinabang sa publiko.