Si Nana Rosa….isang maestra

PILAR, Bataan – Dala dala ang pangarap na makikilala ang bayan ng Pilar hindi lamang sa mga karatig lugar kung hindi sa boong kapuluan, bumuo ang Parokya ng Nuestra Senora Del Pilar sa pangunguna ni Fr. Josue Enero ng isang galeria ng mga larawan bilang isang pagbabalik tanaw sa lumipas at pagpapasalamat sa kasalukuyang kalagayan ng nasabing simbahan.

Pinasinayaan ang “Galleria Del Pilar” noong ika-25 ng Enero at kasabay nito ay ang pagtatanghal ng mga natatanging talentong musikal ng mga taga-Pilar. Ang layunin ng programa ay maipakilala na sa maliit na bayan ng Pilar may mga ganitong pangkultural na kaganapan, higit lalo na sa darating na panahon ng Quaresma kung saan maraming pilgrims na dumarayo sa nasabing Parokya.

Isa sa mga pumukaw sa atensyon ng mga nakibahagi sa pagpapasinaya ay ang pagtugtog ni Rosalinda Paguio ng piano. Sa maniwala ka o hindi, si “Nana Rosa” ay siyamnaput tatlong taong gulang na subalit sa bilis ng kanyang mga kamay sa pagpindot ng mga tiklado ng piano ay mapapaisip ka sa kanyang tunay na edad. Marami rin ang namangha sa talas ng kanyang memorya sapagkat tatlong piyesa ang kanyang ipinamalas nang walang bahid ng pagkalimot.

Kung ikaw ay magtatanong sa mga nakatatanda ng bayan, tila ba isang sikat na artista si Nana Rosa sapagkat siya ang humahawak at tumutugtog sa piano ng simbahan noong panahon kung saan ang Bataan ay nasa ilalim pa ng Diyosesis ng San Fernando hanggang sa panahon na magkaroon ng sariling diyosesis ang lalawigan noong 1975. Mula sa panahon na kung saan Latin pa ang wikang gamit sa misa hanggang sa kasalukuyan kung saan marami nang pagbabago ang naganap, tunay ngang inilaan niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos.

Bukod sa pagiging batikang alagad ng musika, si Nana Rosa ay isang ring dakilang taga-hubog ng kaalaman. Noong siya ay nasa kasibulan pa ng kanyang kabataan, siya’y naging isang guro na sa kalaauna’y naging isang punong guro dahil sa kanyang dedikasyon, galing at sipag.

Iyan si Nana Rosa, Maestra Rosa: huwaran, dapat tularan! Nana Rosa, patuloy ka pa sanang pagpalain ng ating Panginoon upang patuloy ka pang maging pagpapala sa aming mga kabataan!

Photos courtesy of Mrs. Teresita dela Peña