Nagpakitang-gilas ang Team AFAB, na binubuo ng mga atleta mula sa Bataan, matapos dominahin ang inaugural 5150 FAB Triathlon — ang kauna-unahang Olympic-distance triathlon na idinaos sa Bataan at maging sa buong Luzon. Pinatunayan ng koponan na handa ang probinsiya para sa mas malaking kompetisyon sa larangan ng triathlon.
Bumida si Erik Esperanzate matapos manguna hindi lamang sa kanyang age category kundi maging sa kabuuang kumpetisyon, taglay ang oras na 2:31:47. Sumunod si Charles Christopher Cruz na nag-uwi ng unang puwesto sa kanyang kategorya at nagtala ng ika-4 na overall finish sa 2:42:57.
Hindi rin nagpahuli si King Ivan Reyes na nagtala ng unang puwesto sa kanyang age group at pumuwesto bilang ika-5 overall sa 2:44:48, habang si Cristine Montuya naman ang nanguna sa kanyang dibisyon at nagtapos bilang ika-6 sa kabuuang women’s division sa 3:04:31.
Kumpletong nagningning ang koponan sa pagtatapos ni Jose Tindog na nagkamit ng unang puwesto sa kanyang age category at 16th overall sa 2:59:59. Nakapagtala rin si Harly Baguistan ng ika-4 na puwesto sa kanyang dibisyon sa 3:09:39, habang matagumpay na tinapos ni Allen Rey Yumul ang karera sa 3:53:14. Itinuturing na malaking tagumpay para sa Team AFAB at sa triathlon community ng Bataan ang nasabing kompetisyon.