Senior citizens’ night idinaos

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nagtagisan ng angking galing sa pag-awit at pagsayaw ang mga natatanging senior citizens ng lalawigan ng Bataan sa ginanap na Senior Citizens’ Night Variety Show sa Sari-Gamit Covered Court, BPSU- Main Campus, Abril 4.

Daan-daang mga lolo at lola ang nagkatipon-tipon upang saksihan ang mga pagtatanghal sa isang gabing alay para sa kanila, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Ika-76 na Araw ng Kagitingan.

Bagama’t nagkaroon ng pagbabago sa lokasyon ng pagdarausan, naisakatuparan ang taunang programa na naglalayong paigtingin ang samahan ng mga senior citizens, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Pinaunlakan ng Bataan Peninsula Tourism Council Foundation, Inc. Board of Trustee at maybahay ni Cong. Joet Garcia na si Gng. Isabel Garcia ang naturang programa sa pamamagitan ng isang mensahe patungkol sa kahalagahan ng mga matatanda sa ating lipunan.

Aniya, walang katumbas ang inaambag na karunungan, kagandahang asal at pagmamahal ng mga ito na nakatutulong sa pag-unlad ng probinsya dahil sa legasiyang dulot ng mga ito.

Sa huli ay pumailanlang ang koro ng bayan ng Mariveles sa kanilang bersyon ng makabagong awiting “Dahil Sa’yo.”