LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan ni Kagawad Rodrigo Celis ng Barangay Central ang pamamahagi ng mga punla ng gulay sa mga residente ng nasabing barangay noong nakaraang linggo.
Sa ilalim ng Kaanib Program na pinasimulan ni 2nd District Congressman Joet Garcia nang siya ay Mayor pa at ngayon ay ipinagpapatuloy ni City Mayor Francis Garcia, kailangang taniman ng mga gulay ng ating mga kababayan ang mga bakanteng solar sa loob ng lungsod
Dahil sa hangaring ito, ibinaba ang proyekto sa kanayunan na sa tingin nila na makapagdudulot ito ng maraming pakinabang sa mga residente lalo na sa kakapusan ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Kagawad Celis, Committee Chairman on Agriculture, kailangan sa mga likuran din ng kani kanilang tahanan magtanim ang pamilya para may pagkukunan sila ng kanilang pang-ulam sa halip na sa pamilihan.
Sinabi ni Celis na kailangang gawin niya ito sampu ng kanilang konseho sa pamumuno ni Barangay Captain Romeo Caparaz upang kahit kaunti lang ay may maiambag silang tulong sa kanilang mamamayan tungo sa masayang pamayanan.
Ang mga punlang ipinamigay ay talong, sili at kamatis. Ito na ang pang limang batch na nabigyan ng punla.