Cong Joet at Vice Gov. Cris Garcia, panauhin sa Oathtaking sa bayan ng Pilar

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Isang simple at masayang oath taking ang ginanap sa bayan ng Pilar sa pangunguna ng mga panauhing sina Cong Joet Garcia, Vice Gov. Cris Garcia at Judge Jacquiline Poblete ng Regional Trial Court ng Balanga na siyang inducting officer.

Nanumpa sa kanyang bagong tungkulin si Mayor-elect Charlie Pizarro na pinalitan ang kanyang workaholic na asawa na si Mayor Alice Pizarro gayundin ang mga opisyal ng bayan ng Pilar na sina Vice Mayor Mar Caguimbal, at mga konsehal na sina Fati Enriquez, Ces Garcia, Oding Paguio, Gerry Sanchez, Edgar Lulu, Boyet Paguio, Reno Gatdula at Aurea Iguico.

Sa kanyang mensahe, malumanay subalit may diin na sinabi ni Mayor Charlie Pizarro na ipagpapatuloy niya ang magagandang programa at proyekto ng nakaraang administrasyon bagama’t may pagkakaiba sa pagpapatakbo nito.

Hiningi niya ng paumanhin na medyo suplado pa muna siya sa ilang buwan para maiayos ang kanyang administrasyon at iwasan muna umano ang mga bulong bulong, palakasan at paki usap, higit tinawag niya ang pansin ng mga kapitan ng barangay na ipagpatawad na hindi niya papayagan ang anumang pakiusap sa mga kasong may kinalaman sa droga at rape.

Naging magaan ang mensahe ni Cong Joet Garcia na pagtutulungan at pagkakaisa ang susi sa ating pag unlad hindi lamang sa bayan ng Pilar kundi maging sa buong lalawigan ng Bataan at nangako ang butihing kinatawan na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang proyekto sa bayan ng Pilar.

Samantalang masayang binati ni Vice Gov. Cris Garcia ang mga bagong halal na opisyal at ipinahayag ang kanyang suporta at ng boung Sangguniang Panlalawigan sa mga programa ng Pilar.

Magkahalo naman ang emosyon ni outgoing Mayor Alice Pizarro sa kanyang mensahe na ayon pa sa kanya, masaya siya sa kanyang paglisan bilang mayor dahil maraming natupad at naisagawang proyekto para sa kanilang vision, isa na rito ang Pilar museum at marami pang iba, malungkot aniya, in the sense that, maiiwan niya ang masasayang panahon na kanilang pinagsamahan at masasayang activities sa loob ng dalawang termino.