Sound system, ipamamahagi sa mga pampublikong paaralan sa Samal

SAMAL, Bataan – Hindi kukulangin sa sampung (10) pampublikong
paaralan sa bayang ito ang mabebenipisyuhan ng makabagong sound system na ipamamahagi ni Mayor Aida Macalinao simula sa buwang ito.
Naranasan ni Mayor Macalinao ang di maayos na performance ng sound system nang magbigay siya ng mensahe sa launching ng “Negosyo Serbisyo sa
Barangay” na programa ng Dept. Trade and Industry (DTI) sa Maria Consunji Elementary School sa Brgy. Imelda kung saan ay naramdaman niya ang hirap ng sinumang gumagamit ng nasabing sound system.
Sa harapang iyon ay sinabi ni Mayor Macalinao na magbibigay siya ng modernong sound system sa 10 pampublikong paaralan (elementary at high school) na sisimulan sa buwang ito.
Samantala, sa programa ng DTI na Negosyo Serbisyo sa Barangay ay nakiusap sa kanyang mga kababayan si Mayor Macalinao na pakinggan at sundin ang sinasabi ng DTI at ibang ahensya ng gobyerno tulad ng TESDA, DOLE, DAR,
PESO, ATI at Bangko Sentral ng Pilipinas na isapuso at makiisa sa kanilang mga prorama dahil ang mga ito ay oportunidad sa bawat isa na umunlad ang buhay.
Naging masigla naman ang mga mamamayan lalo na nang malaman na sila ay hindi lamang tuturuan ng mga ahensya sa dapat nilang malaman sa pagnenegosyo kundi sila rin ay pahihiramin din ng puhunan.