Sa panayam kay Gov. Abet Garcia kamakailan, sinabi nitong makalipas ang ilang araw na pagsailalim ng Bataan sa ECQ, tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa ating lalawigan.
Dagdag pa niya, “so far, yong data tumataas pa rin and it will take a while bago bumaba ang bilang ng kaso na dinagdagan pa ng mabagsik na Delta variant”.
Ayon pa kay Gov. Garcia, ang ating mga ospital sa lalawigan ay talagang punuan, pampubliko o pribado, lalo na ang Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) na talaga namang overwheming ang dami ng pasyente.
At dahil nga sa lumalalang kaso ng COVID-19, sinabi ng magiting na Gobernador na marami siyang ipinagagawang adjustment o mga pagbabago sa ating BGHMC sa tulong nina Dr. Ria Baltazar at Dr. Rosana Buccahan.
Isa na rito ay ang paglipat ng tanggapan ng Provincial Health Office (PHO) sa old capitol building upang ang dating tanggapan ng PHO ay maging extension ng emergency ward ng BGHMC.
Bubuksan na rin ang bagong limang palapag na gusali ng BGHMC kung saan doon ililipat ang mga non-COVID patients.
Dahil dito, mado-doble na ang bed capacity para sa ating mga COVID patients, kung noon ay 150 ngayon ay magiging 300 na, at magkakaroon din ng malaking bed capacity ang mga non-COVID patients.
Sa ganitong paraan ayon pa kay Gov. Abet Garcia ay magiging mas maayos ang zoning sa BGHMC at magiging mas ligtas din ang ating mga health workers.
Paulit-ulit ang panawagan ng ating Gobernador na malaki ang maitutulong ng ating mga kababayan sa pagsugpo sa COVID sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols para naman umano mabawasan ang mga pami-pamilyang dinadala sa ating emergency ward.