ORANI, Bataan – Bawat barangay ay dapat magkaroon ng comprehensive Barangay Development Masterplan at dapat maayos ang implementasyon nito.
Ito ay muling iginiit ni Congressman Joet Garcia sa kanyang talumpati noong umaga ng Biyernes, Enero 18, sa pormal na pamamahagi ng 10 L-300 van sa sampung iba’t-ibang barangay sa Ikalawang Distrito ng Bataan na ginanap sa Command Center ng Metro Bataan Development Authority (MBDA).
Sinabi ni Garcia na dapat 25 porsiyento ng membership ng Barangay Development Council ay manggagaling sa civil society. Sa paggawa ng plano dapat din umano sundin ang mga alituntuning galing sa mga Local Government Units bago ito ipadala sa House of Representatives na siyang maglalaan ng pondo.
Kung minsan umano mayroon mga barangay na nagre-request ng pondo subalit huli na. “Kung kaya’t dapat maaga tayo mag-submit development masterplan para maaga rin mabigyan ng pondo,” sabi pa ni Garcia.
Ayon pa sa kongresista, tanging Bataan lamang ang meron 10-year barangay development master plan. “Kaya naman tayo ngayon ay nangunguna sa larangan ng human development index at lowest poverty incidence sa buong bansa,” pahayag pa ni Garcia.
“Subalit, hindi tayo dapat huminto dito, kailangan ang dobleng trabaho pa para lalong mapanatili ang ating pagiging topnotcher,” dagdag pa ni Garcia.