banner

Brigada Eskwela 2018 sisimulan na

Written by
  • Zeny S.
  • 5 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Handa nang magdaos ng Brigada Eskwela 2018 ang mga paaralang pampubliko sa lalawigang ito, na may temang, “Pagkakaisa para sa Handa, Ligtas at Matatag na Paaralan.”

Nakatakdang ganapin ang Brigada Eskwela mula sa ika-28 ng Mayo hanggang sa ika-2 ng Hunyo, ng taong ito para bigyan ng maaliwalas at masiglang pagbubukas ng klase ang mga mag-aaral sa darating na ika-4 ng Hunyo.

Nanawagan ang iba’t ibang grupo ng General Parent Teachers Association (GPTA), gayundin ang mga pamunuan ng mga paaralan sa mga magulang, mag-aaral at mga grupong sibiko na makiisa sa Brigada Eskwela upang lalo pang mahikayat ang mga mag-aaral na maging masipag sa pagpasok sa paaralan.

Isa si Bb. Gemma Teresa P. Cabreros, Punong Guro ng Pablo Roman National High School, na aming nakapanayam, na nagsabing inaasahan nila tulad ng mga nakaraang taon na maraming magulang, mag-aaral, miembro ng PNP, Army at mga grupong sibiko ang makikiisa sa kanila sa pagbibigay ng panibagong anyo ng kalinisan at kagandahan ng kanilang paaralan.

Ayon pa kay Bb. Cabreros, “alam mo naman ang mga estudyante, they feel proud and excited to go to school if they see their school is clean and beautiful.”

Ilan sa mga ginagawa sa Brigada Eskwela, ay ang paglilinis ng kapaligiran ng paaralan lalo na iyong mga kanal para hindi pamugaran ng mga lamok at maiwasan ang dengue, pag-aayos ng mga sirang upuan, mesa at pisara, pagpipintura sa mga classroom, maging ang kabuuan ng buong eskwelahan at pagpapaganda ng mga garden para maging kaaya-aya sa paningin ng mga bata.

Ilan umano sa mga karaniwang kailangan nila sa Brigada Eskwela ay mga walis, timba, basahan, pintura, konting merienda na karaniwan ay donasyon mula sa mga magulang at civic organizations.

Article Tags:
·
Article Categories:
Education · News

Comments are closed.

Shares