banner

Dolphy Quizon Jr., nagbigay inspirasyon sa mga surrenderees

Written by
  • Zeny S.
  • 6 years ago

DINALUPIHAN, Bataan – Taliwas sa inakala ng lahat na matatawa sila sa pagharap ni Dolphy Quizon Jr. bilang panauhin sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Bahay Pag-asa, kabaligtaran para sa mga nakikinig dahil naging emosyonal ang lahat matapos nitong isiwalat ang naging buhay niya dahil sa droga.

Ayon kay Mayor Gila Garcia, talagang sinikap nila na makuha nila si Dolphy Jr. para maging panauhin sa unang taong anibersaryo ng kanilang bahay pagbabago, dahil ayon sa kanya, si Dolphy Jr. umano ay isang magandang halimbawa na walang pinipiling antas sa buhay ang mga taong “nakukulong sa madilim na kahapon” nang dahil sa droga pero nagsumikap na makabangon at magkaroon ng panibagong buhay.

Sa kanyang mensahe sa lahat, ikinuwento ni Dolphy Jr. na pangatlo siya sa anim (6) na anak ni Dolphy Sr. at 8 taong gulang siya ng magkahiwalay ang kanyang mga magulang at mula sa dahilang ito, ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang kalbaryo.

Hindi umano kaila sa lahat na naging artista siya dahil sa kanyang ama na si Dolpy Sr. at sa pagkakaroon ng pera, karangyaan, barkada at lahat na, dito siya nalulong sa droga.

Sinabi pa ni Dolphy Jr. na sa umpisa ay patikim-tikim lang siya hanggang sa hinahanap niya na ito, palaki nang palaki, pasinghot-singhot hanggang sa kalaunan ay nagtuturok na siya.

Ang masaklap, ayon pa sa kanya, ay nang masangkot siya sa krimen na kung saan ay anim (6) ang namatay sa arson at siya ay nahatulang mabilanggo nang habang buhay sa Muntinlupa Penitentiary.

Dito inilahad ni Dolphy Jr. ang higit pang masalimuot niyang buhay na nagsabing talagang talamak ang droga at lahat ng bisyo sa Muntinlupa, at sa pag-aakalang di na siya makakalaya ay lalo umano siyang nalulong sa droga at alak.

Habang nasa bilangguan nang 18 taon, wala umano ni isang barkada na dumalaw sa kanya, dumalaw nga raw ang asawa niya ng isang beses pero hindi para kumustahin sya kundi para magpaalam na ito ay mag-aasawang muli.

Masakit ayon kay Quizon pero talaga umanong mabait ang Diyos dahil minsan umanong nanood siya ng TV ay nataon siya kay Bro. Eddie Villanueva para manalangin, doon niya tinanggap ang Panginoon at mula noon ay tila nabuksan ang langit para sa kanya.

Sa kanyang paglaya, humingi siya ng tawad sa kanyang amang si Dolphy Sr. hanggang sa ito’y mamatay at sa ngayon, ayon sa kanya, ay inilaan na niya ang buhay niya sa Diyos.

Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Dolphy Quizon Jr. sa mga surrenderees na pilitin nilang magbago, hindi madali aniya, pero kaya nila ito sa tulong ng Diyos, huwag na umanong bumalik sa dating barkada bagkus ituon ang sarili sa pamilya at kung papaano aangat ang sarili sa pagbabagong buhay.

Article Tags:
·
Article Categories:
News · Social Welfare

Comments are closed.

Shares