COVID-19 NewsNews

FIELD HOSPITAL SA MARIVELES INIHAHANDA NA

0

Upang maibsan ang kakulangan ng hospital beds na lubhang kailangan ngayon ng mga apektado ng COVID-19 lalo na sa bayan ng Mariveles, sinabi ni Bataan Governor Albert S. Garcia na nakatakdang buksan sa lalong madaling panahon ang emergency Extension Field Hospital ng Mariveles District Hospital (MDH) sa tulong ng Philippine Red Cross (PRC).

Ani Gob. Garcia, “Kasalukuyan pong inihahanda ng ating Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang pamunuan ng MDH at Freeport Area of Bataan (FAB), ang SFB 13 Hangar sa loob ng FAB na siyang magiging lokasyon ng nabanggit na extension field hospital at maglalaman ng karagdagang 10 Intensive Care Unit beds, 10-20 beds for moderate to severe patients at 84 hospital beds para sa iba pang mga pasyente. Ito po ay resulta ng ating pakikipag-ugnayan kay PRC chief at Senator Richard Gordon na buong-puso pong pinakinggan ang ating hiling dahil sa lumalalang sitwasyon ng COVID-19 sa buong Bataan dala ng Delta variant.”

Ayon kay Dr. Hector Santos, hepe ng MDH at punong-abala ng proyekto, nagsimula na ang construction sa 3,024 square-meter site ng field hospital, pag-aasikaso ng lahat ng mga permits at licenses na kinakailangan, at hiring ng mga doctors at nurses at iba pang mga espesyalista upang bumuo ng medical team, pati na rin ang pagsasaayos ng mga kinakailangang kagamitan at machines para sa field hospital na mapapasinayaan sa susunod na buwan.

Tuluy-tuloy din ang agresibong pagbabakuna sa Mariveles kung saan nakapagbakuna na ng may kabuuang 31,172 Mariveleno sa anim na vaccination sites sa AGLES, 1Bataan FABakuna Center, BBJVI Baseco, 1Bataan San Carlos, 1Bataan Romalaine GNPower, at Alion Bakuna Center sa huling talaan noong Agosto 16.
Ibinalita rin ni Gob. Garcia na patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa national government at maging sa mga pribadong kumpanyang para sa karagdagang bakuna. Aniya, “hangarin natin na makapaglaan nang sapat na bakuna upang makamit ang herd immunity bago matapos ang taon. Sa paraang ito lamang tayo makakaahon sa pandemyang ito kung kaya’t patuloy ko pong hinihikayat ang mga kababayan natin, lalo na sa Mariveles, na samantalahin ang pagkakataong mabakunahan ng kahit anong brand upang maproteksyunan ang sarili at ang pamilya.”

Sa ganang ayuda, ibinalita rin ng butihing gobernador na gumugulong na ang programang Kusina sa Barangay upang magkaroon ng karagdagang lutong pagkain ang bawat Bataeno, pati na ang pamamahagi ng 25 kilo ng bigas para sa bawat tahanan, bukod pa sa pinansyal na tulong na ibinibigay ng pamahalaang nasyonal.
Sa huli, sinisiguro ni Gob. Garcia na hindi tumitigil ang Pamahalaang Panlalawigang mag-isip at magsagawa ng mga hakbang upang makapaghatid ng tulong hanggang malagpasan ang krisis na dala ng pandemya.

“Wala pong iwanan. Samahan po ninyo kaming manalangin para sa ating mga kababayang maysakit, namatayan at lahat nang apektado ng COVID. Nawa’t patuloy tayong bigyan ng kalakasan upang bumangon at hindi maigupo ng mabigat na pagsubok na ito,” sambit ni Gob. Garcia sa kanyang pagtatapos.

Latest posts by 1Bataan (see all)

Bagong gusali sa BGHMC, bubuksan na

Previous article

Estate tax amnesty, extended

Next article

You may also like

Comments

Leave a reply