“Flag disposal ceremony” gaganapin sa Kampo Tolentino

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nakatakdang ganapin bukas, ika-28 ng buwang kasalukuyan, ang taunang “flag disposal ceremony” ng Girl Scout of the Philippines-Bataan Council, bilang final tribute o pagbibigay-galang sa watawat.

Sinabi ni Bb. Ludivina S. Omania, GSP-Bataan Commissioner on Training na, pangungunahan ni Bb. Estrella dela Rosa, GSP-Bataan Council President ang nasabing flag disposal ceremony na may temang “Watawat ko, Mahal ko.”

Kasama rin sa programa sina PNP Provincial SSupt. Benjamin Silo, na  siyang magbibigay ng pambungad na pananalita, samantalang mahahalagang mensahe naman ang magmumula sa dalawang DepEd  Division Superintendent ng lalawigan gayundin ng Lungsod ng Balanga.

Sa panayam kay Bb. dela Rosa, sinabi nitong ang flag disposal ceremony ay ginagawa bilang pagbibigay galang, respeto at final tribute sa mga gula-gulanit, sira at unserviceable flags sa isang simple subalit marangal na seremonya. Ngunit nilinaw niya na sa seremonya ay isang watawat lang ang susunugin, bago sunugin ang iba pa.

Sa pagkakataong ito, ay hinihikayat ni dela Rosa ang lahat ng mamamayang Filipino sa pagbibigay ng tamang paraan ng pagmamahal at paggalang sa ating watawat na siyang sumasagisag sa Demokratikong Republika ng Pilipinas at pagiging marangal at makabayan ng mga Filipino.

Marami umano sa ngayon, ayon pa sa kanya, ang hindi sumusunod sa tamang paggalang sa watawat kapag itinataas ito kasabay ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Kapansin-pansin umano na ang iba ay patuloy na naglalakad o may ginagawa, di kaya naman ay hindi nagtatanggal ng sombrero kahit pa tumutugtog ang pambansang awit.

Live Search