Gov. Abet, magbibigay ng insentibo sa mga barangay

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Sa kagustuhan ni Gov. Abet na higit pang pagsumikapan ng mga barangay officials ang kanilang paglilingkod sa kanilang barangay ay magbibigay ito ng dagdag na insentibong 50 libong piso bawat buwan sa bawat barangay.
Alinsunod sa kanyang paliwanag, matatanggap lamang ng barangay ang nasabing insentibo kung magagawa ng mga opisyal na ang kanilang barangay ay maging (1) drug-free, na isinasagawa na nila ngayon, (2) dengue-free, na ayon kay Gov. Abet, kalinisan sa buong kapaligiran ang kailangan (3) smoking cessation, na talaga namang ipinagbabawal na ang paninigarilyo (4) zero mother and newborn mortality at ang huli ay (5) diabetes and hypertension prevention.
Dagdag pa ni Gov. Garcia na ang karamihan dito ay ginagawa na nila o ng barangay health workers ngunit nais umano niya na mabigyang diin ang programa sa kalusugan para humaba pa ang buhay ng ating mga mamamayan gayundin lalo pang gumanda ang buhay ng ating mga kababayan hindi lamang sa barangay, sa munisipyo kundi sa buong lalawigan.
Nilinaw ni Gov. Garcia at Cong Joet Garcia na kanila umanong ilulunsad ang nasabing programa kapag naisa pinal na ang mga polisiya ng nasabing programa.
Pinasalamatan din ni Gov. Garcia ang mga punong barangay na kahit mahirap ang pinasok nilang larangan ng serbisyo publiko, ay buong puso pa rin nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin.