DINALUPIHAN, Bataan – Tunay na magandang ani ang lumabas sa training ng Harbest Company na pinamumunuan ni G. Antonino “toto” Barcelona, na siyang nagturo ng makabagong pamamaraan ng pagtatanim sa may 200 magsasaka; sa proyekto ng SM Foundation na Kabalikat sa Kaunlaran sa Brgy. Payangan ng bayang ito.
Sinabi ni G. Barcelona na, 20 high value crops ang itinuro nilang itanim sa mga magsasaka na tinawag nilang “pinakbet” dahil may kalabasa, okra, ampalaya, talong atbp. Mayroon ding succhini, mga herbs tulad ng rosemary, mint at mayroon ding pakwan na dilaw, sili, upo at marami pang high value crops na talagang hinahanap sa pamilihan at may mataas na presyo.
Ang may 200 na magsasaka, ayon kay Barcelona, ay ika-157 na grupo ng kanilang farmers training bilang isa sa stakeholders ng SM Foundation.
Nung simula umano ng kanilang sesyon ay tila hindi pa interesado ang mga magsasaka, subalit nung nakapagpunla na sila at nakita na nilang unti unting tumutubo, lalo pa’t nagbunga na ito, ay bilib na sila sa kanilang sarili, dahil sila ang gumawa nito.
Ayon pa kay Barcelona, ang pagkain umano ay kailangan ng lahat, ang kailangan lang ay magsikap tayo na ang ating pagkain ay nanggaling na sa ating itinanim.
Samantala, sinabi ni Mayor Gila Garcia na napakalawak ng lupain ng bayan ng Dinalupihan, kung lahat lamang ng lupain dito ay matataniman ng ganitong high value crops, natitiyak niyang lalago ang kanilang ekonomiya.